[1] Sa panahong iyon, si Jesus ay naglakad sa triguhan sa mga araw ng Sabat. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at sila ay nagsimulang pumitas ng uhay ng trigo upang kainin.
[2] Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo ay kanilang sinabi sa kaniya, “Tingnan mo, ang iyong mga alagad ay gumagawa niyaong hindi ipinapahintulot na gawin sa araw ng Sabat.”
[3] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya ay nagutom, at sila na mga kasama niya,
[4] kung paanong siya ay pumasok sa bahay ng Diyos at kumain ng mga tinapay na handog na para sa kaniya ay hindi ipinapahintulot kainin, ni sa kanila na kasama niya maliban na lamang sa mga saserdote?
[5] O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan na sa mga araw ng Sabat ay nilalapastangan ng mga saserdote sa templo ang araw ng Sabat at hindi sila nagkasala?
[6] Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang lalong dakila kaysa sa templo ay naririto.
[7] Ngunit kung alam ninyo ang kahulugan nito, ‘Habag ang ninanais ko at hindi hain,’ Ose 6:6 hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan
[8] sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.”
[9] At pagkaalis niya roon, siya ay pumasok sa kanilang sinagoga.
[10] Narito, may isang lalaki na natuyot ang kamay. At tinanong nila si Jesus na sinabi, “Ipinapahintulot ba na magpagaling sa mga araw ng Sabat?” Siya ay tinanong nila upang siya ay kanilang maparatangan.
[11] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Sino kaya sa inyo ang taong mayroong isang tupa, at kung ito ay mahulog sa hukay sa mga araw ng Sabat, hindi kaya niya ito kukunin at iaahon?
[12] Gaano pa kaya ang isang tao na higit na mahalaga kaysa sa tupa? Kung gayon, ipinapahintulot ang gumawa ng mabuti sa mga araw ng Sabat.”
[13] Pagkatapos nito ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Kaya iniunat niya ito at ito ay naipanumbalik na magaling katulad ng isa.
[14] Kaya pag-alis ng mga Fariseo, sila ay nagdaos ng sanggunian laban sa kaniya, kung paano nila siya mapapatay.
[15] Ngunit nang nalaman ito ni Jesus, siya ay umalis doon subalit ang lubhang napakaraming tao ay sumunod sa kaniya at silang lahat ay pinagaling niya.
[16] At ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ihayag kung sino siya
[17] upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,
[18] “Masdan ninyo, ang aking lingkod na aking hinirang, ang aking pinakamamahal na siyang labis na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa kaniya at ihahayag niya ang hatol sa mga Gentil.
[19] Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw, ni walang sinumang makakarinig ng kaniyang tinig sa mga lansangan.
[20] Hindi niya dudurugin ang nabaling tambo at hindi niya papatayin ang umuusok na mitsa hanggang sa mabigyan niya ng tagumpay ang hatol.
[21] At ang mga Gentil ay aasa sa kaniyang pangalan.” Isa 42:1-4
[22] Pagkatapos nito ay dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonyo na bulag at pipi. Siya ay pinagaling ni Jesus kung kaya ang bulag at pipi ay nakakita at nakapagsalita.
[23] At ang lahat ng napakaraming tao ay namangha at sinabi, “Hindi ba ito ang Anak ni David?”
[24] Ngunit nang narinig ito ng mga Fariseo ay kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nagpapalayas ng mga demonyo, maliban sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo.”
[25] Ngunit yamang alam ni Jesus ang kanilang mga kaisipan, sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kaharian na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay nawawasak at ang bawat lungsod o sambahayan na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi makakatayo.
[26] At kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, siya ay nababahagi laban sa kaniyang sarili. Kaya papaano makakatayo ang kaniyang kaharian?
[27] At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino naman nagpapalayas ang inyong mga anak? Dahil dito, sila ang magiging tagapaghatol ninyo.
[28] Ngunit kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, walang pag-aalinlangan na ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo.
[29] O paano makakayang pumasok ng isang tao sa bahay ng isang malakas na tao upang masamsam ang kaniyang mga kagamitan kung hindi niya muna maigapos ang malakas na tao? At pagkatapos ay sasamsamin niya ang nasa bahay ng malakas na tao.
[30] Siya na hindi sumasama sa akin ay laban sa akin at siya na hindi nakikipagtipong kasama ko ay nangangalat.
[31] “Dahil dito ay sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipapatawad sa mga tao, ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipapatawad sa mga tao.
[32] At ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao, ito ay ipapatawad sa kaniya, ngunit ang sinumang magsasalita laban sa Banal na Espiritu, ito ay hindi ipapatawad sa kaniya sa kapanahunang ito, ni sa darating pa.
[33] “Gawin ninyong mabuti ang punongkahoy at ang bunga nito ay mabuti, o kaya gawin ninyong masama ang punongkahoy at ang bunga nito ay masama sapagkat ang punongkahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga.
[34] Mga lahi ng ulupong! Papaano ninyo nagagawang magsalita ng mabubuting bagay yamang kayo ay masasama? Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso, ang bibig ay nagsasalita.
[35] Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabubuting bagay mula sa mabuting kayamanan ng puso at ang masamang tao ay nagbubunga ng masasamang bagay mula sa masamang kayamanan ng puso.
[36] Ngunit sinasabi ko sa inyo na sa bawat salitang walang kabuluhan na sasabihin ng mga tao, sila ay magbibigay-sulit patungkol dito sa araw ng paghuhukom
[37] sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay mapapawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong mga salita ay hahatulan ka.”
[38] Pagkatapos nito ay sumagot ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo na nagsasabi, “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.”
[39] Ngunit siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Ang lahing masama at mapangalunya ay naghahanap ng tanda ngunit walang ibibigay na tanda sa kaniya maliban sa tanda ni Jonas na propeta
[40] sapagkat kung paanong si Jonas, sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ay nasa tiyan ng balyena, magiging gayundin ang Anak ng Tao sa kalagitnaan ng lupa sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
[41] Ang mga lalaking taga-Nineve ay tatayo sa araw ng paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Ngunit narito, ang isang higit kaysa kay Jonas ay nandito.
[42] Ang reyna ng timog ay titindig sa paghuhukom kasama ng lahing ito at hahatulan ito sapagkat siya ay dumating mula sa kadulu-duluhan ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. Ngunit narito, ang isang higit kaysa kay Solomon ay nandito.
[43] “Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay makalabas mula sa isang tao, ito ay gumagala sa mga tuyong dako, na naghahanap ng pahingahan ngunit wala itong natatagpuan.
[44] Kaya sasabihin nito, ‘Babalik ako sa aking bahay kung saan ako ay lumabas.’ At kapag siya ay makabalik, matatagpuan niya itong walang laman, nawalisan na at napalamutian na.
[45] Siya nga ay aalis at isasama ang pitong ibang espiritu na higit pang masama kaysa sa kaniya. At sa pagpasok ng mga ito, sila ay maninirahan doon. Kaya ang magiging huli ng taong iyon ay lalong malubha kaysa noong una. Sa gayon, ganoon din ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
[46] Ngunit habang si Jesus ay nagsasalita pa sa napakaraming tao, narito, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay nakatayo na sa labas at nagnanais na makipag-usap sa kaniya.
[47] May isang nagsabi sa kaniya, “Narito, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo na sa labas at nagnanais na makipag-usap sa iyo.”
[48] Ngunit si Jesus ay sumagot at sinabi niya sa nagsabi sa kaniya, “Sino ang aking ina? At sinu-sino ang aking mga kapatid na lalaki?”
[49] At iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Narito, ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki
[50] sapagkat ang sinumang gaganap sa kalooban ng aking Ama na siyang nasa langit, siya ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”