[1] Pagkaraan ng anim na araw ay isinama ni Jesus sina Pedro at Santiago at si Juan na kaniyang kapatid, at sila ay dinala niyang bukod patungo sa isang mataas na bundok.
[2] At siya ay nagbagong-anyo sa harapan nila at nagliwanag ang kaniyang mukha katulad ng araw at ang kaniyang mga damit ay pumuti katulad ng liwanag.
[3] Narito, nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.
[4] Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Kung nanaisin mo, kami ay gagawa ng tatlong kubol dito. Ang isa ay para sa iyo, ang isa ay para kay Moises at isa ay para kay Elias.”
[5] Habang siya ay nagsasalita pa, narito, lumilim sa kanila ang isang maningning na ulap, at narito ang isang tinig buhat sa ulap, na nagsasabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya.”
[6] At nang narinig ito ng mga alagad, sila ay nagpatirapa sa kanilang mukha at sila ay lubhang natakot.
[7] Lumapit si Jesus at hinawakan sila at sinabi, “Tumindig kayo at huwag kayong matakot.”
[8] Subalit sa pag-angat ng kanilang mga paningin, sila ay walang nakitang sinuman maliban lamang kay Jesus.
[9] At habang sila ay bumababa mula sa bundok, sila ay pinagbilinan ni Jesus na nagsasabi, “Huwag ninyong sabihin kahit kaninuman ang pangitain hanggang sa ang Anak ng Tao ay muling bumangon mula sa mga patay.”
[10] At siya ay tinanong ng kaniyang mga alagad na nagsasabi, “Kung gayon bakit sinasabi ng mga eskriba na dapat munang dumating si Elias?”
[11] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Totoong darating muna si Elias at ipapanumbalik ang lahat ng mga bagay.
[12] Ngunit sinasabi ko sa inyo na si Elias ay dumating na at siya ay hindi nila kinilala subalit ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang ninais. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang pahirapan sa pamamagitan nila.”
[13] Pagkatapos nito ay naunawaan ng mga alagad na patungkol kay Juan na tagapagbawtismo ang sinasabi niya sa kanila.
[14] Nang sila ay dumating sa napakaraming tao, isang lalaki ang lumapit na nanikluhod sa kaniya na sinasabi,
[15] “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki sapagkat siya ay epileptiko at lubha nang nahihirapan. Siya ay madalas na nabubuwal sa apoy at madalas din sa tubig.
[16] At siya ay dinala ko sa iyong mga alagad ngunit siya ay hindi nila nakayang pagalingin.”
[17] Sumagot nga si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at nagpakalihis, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito sa akin.”
[18] Sinaway ni Jesus ang demonyo at ito ay lumabas mula sa batang lalaki at siya ay gumaling sa oras ding iyon.
[19] Pagkatapos nito ay lumapit nang bukod ang mga alagad kay Jesus at sinabi, “Bakit hindi namin nakayang palayasin ang demonyo?”
[20] Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Dahil sa inyong hindi pananampalataya. Ngunit katotohanang sinasabi ko sa inyo, kapag kayo ay magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng butil ng mustasa ay sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito ay lilipat. At sa inyo ay walang anumang hindi mangyayari.
[21] Ngunit ang ganitong uri ay hindi napapalabas maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”
[22] At habang sila ay nananatili sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga tao.
[23] At siya ay papatayin nila subalit sa ikatlong araw siya ay ibabangon.” At sila ay lubhang namighati.
[24] Nang sila ay dumating sa Capernaum, sila na mga maniningil ng buwis ng templo ay lumapit kay Pedro at sinabi, “Hindi ba nagbabayad ng buwis ng templo ang inyong guro?”
[25] Sinabi niya, “Oo.” At nang siya ay nakapasok sa bahay, inunahan na siya ni Jesus sa pagsasalita, “Ano ang palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng mga bayarin o buwis ang mga hari sa daigdig? Sa kanila bang mga anak o sa mga dayuhan?”
[26] Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Sa mga dayuhan.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung gayon, ang mga anak ay malaya.
[27] Gayunpaman, upang hindi nila tayo katisuran, pumaroon ka sa dagat at ihulog mo ang kawil at kunin mo ang unang isda na iyong mahuhuli. At pagkabuka mo ng kaniyang bibig ay matatagpuan mo ang isang piraso ng pera°. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila na buwis para sa akin at sa iyo.”