[1] Pagkatapos nito ay lumapit kay Jesus ang mga eskriba at mga Fariseo na nagmula sa Jerusalem, na nagsasabi,
[2] “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Sapagkat sila ay hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay kapag sila ay kumakain ng tinapay.”
[3] Ngunit siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Sa anong dahilan din ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian?
[4] Sapagkat iniutos ng Diyos na sinasabi, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ Exo 20:12; Deu 5:16 at ‘ang lumalapastangan sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, dapat siyang tapusin sa kamatayan.’ Exo 21:17; Lev 20:9
[5] Ngunit sinasabi ninyo, ‘Ang sinumang magsasabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, “Ang anumang mapapakinabangan mo mula sa akin, ito ay kaloob,”
[6] ay hinding-hindi na kailangang igalang ang kaniyang ama o ang kaniyang ina.’ Sa gayon ay winawalang kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian.
[7] Mga mapagpaimbabaw! Tama ang inihayag ni Isaias patungkol sa inyo na sinasabi,
[8] ‘Ang mga taong ito ay lumalapit sa akin sa pamamagitan ng kanilang bibig at iginagalang ako sa pamamagitan ng kanilang mga labi ngunit ang kanilang puso ay napakalayo sa akin.
[9] At ang kanilang pagsamba sa akin ay walang kabuluhan, itinuturo nila bilang mga katuruan ang mga kautusan ng mga tao.’ ” Isa 29:13
[10] At pagkatawag niya sa napakaraming tao upang lumapit sa kaniya ay sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo.
[11] Hindi yaong pumapasok sa bibig ang nakakapagparumi sa tao kundi yaong lumalabas sa bibig. Ito ang nagpaparumi sa tao.”
[12] Pagkatapos nito, ang kaniyang mga alagad ay lumapit at sinabi sa kaniya, “Alam mo ba na nang narinig ng mga Fariseo ang mga pananalitang ito, sila ay natisod?”
[13] Ngunit siya ay sumagot at sinabi, “Ang bawat halaman na hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
[14] Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na tagaakay ng mga bulag. At kapag ang bulag ang aakay sa bulag, sila ay kapwa mahuhulog sa hukay.”
[15] Ngunit si Pedro ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.”
[16] At sinabi ni Jesus, “Hanggang sa ngayon ay wala pa rin ba kayong pang-unawa?
[17] Hindi pa ba ninyo nauunawaan na ang bawat pumapasok sa bibig ay pumapasok sa tiyan at idinudumi sa palikuran?
[18] Ngunit ang mga bagay na lumalabas mula sa bibig ay lumalabas mula sa puso at ang mga iyon ang nagpaparumi sa tao
[19] sapagkat mula sa puso ay lumalabas ang masasamang kaisipan, mga pagpatay, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga walang katotohanang pagsaksi at mga paglapastangan.
[20] Ang mga ito ang nagpaparumi sa tao. Ngunit ang kumain ng hindi nakapaghugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
[21] At pagkaalis ni Jesus mula sa lugar na iyon, siya ay pumunta sa mga baybayin ng Tiro at Sidon.
[22] Narito, isang babaing taga-Canaan na nagmula sa mga hangganan ding iyon ang lumabas at sumigaw na nagsasabi sa kaniya, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa akin. Ang aking anak na babae ay labis na pinahihirapan ng demonyo.”
[23] Ngunit siya ay hindi sumagot sa kaniya ng kahit isang salita. At ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya at pinakiusapan siya na sinasabi, “Paalisin mo siya sapagkat siya ay sumisigaw sa likuran natin.”
[24] Ngunit siya ay sumagot at sinabi, “Hindi ako isinugo maliban sa mga naligaw na tupa ng sambahayan ng Israel.”
[25] Subalit siya ay lumapit at sinamba si Jesus na sinasabi, “Panginoon, tulungan mo ako!”
[26] Ngunit sumagot siya at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.”
[27] At sinabi ng babae, “Totoo, Panginoon, sapagkat kahit ang mga aso ay kumakain ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag-kainan ng kanilang mga panginoon.”
[28] Pagkatapos nito ay sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo.” At gumaling ang kaniyang anak na babae simula sa oras na iyon.
[29] At nang nakaalis si Jesus mula sa lugar na iyon, siya ay pumunta sa tabi ng dagat ng Galilea. At nang siya ay nakaahon sa bundok, siya ay umupo roon.
[30] At lumapit sa kaniya ang lubhang napakaraming tao na kasama nila ang mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga may kapansanan sa kamay o sa paa, at marami pang iba. Sila ay kanilang inilagay sa paanan ni Jesus at sila ay kaniyang pinagaling.
[31] Kung kaya ang napakaraming tao ay namangha habang nakikita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga may kapansanan, lumalakad ang mga lumpo at nakakita ang mga bulag. At niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
[32] Kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming tao sapagkat tatlong araw na silang nananatiling kasama ko at sila ay walang anumang makakain. At hindi ko ibig na paalisin silang hindi kumain baka sila ay manghina sa daan.”
[33] Subalit sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang ng napakaraming tinapay upang mabusog ang napakaraming taong ito?”
[34] Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay ang mayroon kayo?” At sinabi nila, “Pito at kaunting maliliit na isda.”
[35] At kaniyang inutusan ang napakaraming tao na umupo sa lupa
[36] Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nang siya ay nakapagpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kaniyang mga alagad at ang mga alagad sa napakaraming tao.
[37] At silang lahat ay kumain at nabusog. At kanilang pinulot ang mga lumabis na pira-pirasong pagkain at pitong kaing ang napuno.
[38] At ang mga kumain ay apat na libong lalaki maliban sa mga babae at mga bata.
[39] At kaniyang pinaalis ang napakaraming tao at siya ay sumakay sa bangka at pumunta sa mga hangganan ng Magdala.