Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngunit mga kapatid, ipinapaunawa namin sa inyo na ang biyaya ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga iglesiya sa Macedonia,

[2] na kung paanong sa maraming pagsubok ng kahirapan, ang pag-uumapaw ng kanilang kagalakan at ang kanilang matinding karukhaan ay lalong nag-umapaw sa kayamanan ng kanilang pagbibigay,

[3] sapagkat aking pinatotohanan na sila ay lalong nagkusa ayon sa kanilang kakayahan at higit pa sa kanilang kakayahan,

[4] na sa labis na pagsamo ay ipinamamanhik sa amin na tanggapin namin ang kaloob at tanggapin kami sa pakikipag-isa sa paglilingkod para sa mga banal.

[5] At hindi ang ayon sa aming inaasahan, sa halip ay ipinagkaloob muna nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin ayon sa kalooban ng Diyos.

[6] Dahil dito, isinamo namin kay Tito na kung paano siya nagsimula noon, sa gayunding paraan ay lubusin din niya ang kaloob na ito sa inyo.

[7] Subalit kung paanong kayo ay lalong sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, sa salita, sa kaalaman, sa kasigasigan at sa pag-ibig sa amin na nagmula sa inyo, lalo rin nawa kayong sumagana sa biyayang ito.

[8] Ito ay sinasabi ko, hindi ayon sa utos kundi dahil sa kasigasigan ng iba at upang subukin ang katapatan ng inyong pag-ibig

[9] sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na siya ay mayaman, siya ay naging dukha dahil sa inyo upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan, kayo ay maging mayaman.

[10] At ako ay nagbibigay ng payo patungkol dito sapagkat ito ay kapaki-pakinabang sa inyo na nagpasimula noong nakaraang taon, hindi lamang upang kayo ay gumawa kundi upang kayo rin ay magkusa.

[11] Kaya ngayon, lubusin din ninyo ang pagsasagawa nito, na kung paanong mayroon kayong kahandaan ng pag-iisip upang magkusa, gayundin ang pagkalubos nito mula sa inyong tinatangkilik

[12] sapagkat kung unang naroroon ang kahandaan ng pag-iisip, ang anumang ayon sa tinatangkilik ng sinuman ay katanggap-tanggap at hindi ayon sa wala sa kaniya.

[13] Dahil hindi ko sinasabi na ang kagaanan ay para sa iba at ang kahirapan ay para sa inyo, kundi sa pamamagitan ng pagkakapantay-pantay, sa kasalukuyang panahon ay mapunuan ng inyong kasaganaan ang kanilang kakulangan,

[14] upang ang kanila namang kasaganaan ay maging kapunuan ng inyong kakulangan, nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakapantay-pantay

[15] ayon sa nasusulat, “Siya na marami ang naipon ay hindi nagkaroon ng labis at siya na kaunti ang naipon ay hindi nagkulang.” Exo 16:18

[16] Ngunit ang pasalamat ay sa Diyos na siyang naglagay sa puso ni Tito ng gayunding pagsusumigasig para sa inyo

[17] sapagkat totoong tinanggap niya ang pagsusumamo, at yamang siya ay mayroong higit na pagsusumigasig, siya ay kusang pumunta sa inyo.

[18] Kaya isinugo naming kasama niya ang isang kapatid na ang pagpupuri ay nasa ebanghelyo sa lahat ng mga iglesiya.

[19] At hindi lang gayon, kundi siya rin ang pinili ng mga iglesiya na kasama naming maglakbay, kasama ang kaloob na ito sa pangangasiwa namin para sa kaluwalhatian mismo ng Panginoon at para sa kapahayagan ng kahandaan ng inyong pag-iisip.

[20] Ito ay iniiwasan namin upang ang sinuman sa amin ay hindi mapulaan sa kasaganaang ito sa aming pangangasiwa.

[21] Ang una naming isinasaalang-alang ay ang mabubuting bagay hindi lamang sa harap ng Diyos kundi kahit sa harap ng mga tao.

[22] Kaya isinugo namin kasama nila ang aming kapatid na aming napatunayang palaging masikap sa maraming bagay at sa ngayon ay lalong higit na masikap dahil sa malaking pagtitiwala sa inyo.

[23] Kung magtanong ang sinuman patungkol kay Tito, siya ang aking katuwang at kamanggagawa para sa inyo, at kung magtanong ang sinuman patungkol sa mga kapatid, sila ang mga sugo ng mga iglesiya, ang kaluwalhatian ni Cristo.

[24] Kaya ipakita ninyo sa kanila at sa harap ng iglesiya ang katibayan ng inyong pag-ibig at ng aming pagmamalaki alang-alang sa inyo.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters