[1] Nagsisimula ba kaming muli upang papurihan ang aming mga sarili? O katulad ng ilan, kailangan ba namin ng sulat ng pagkilala para sa inyo, o ng sulat ng pagkilala mula sa inyo?
[2] Kayo ang aming sulat na nakaukit sa aming mga puso na nalalaman at nababasa ng lahat ng mga tao
[3] yamang nahahayag na kayo ang sulat ni Cristo na aming pinaglingkuran, na hindi isinulat sa pamamagitan ng tinta kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng pusong laman.
[4] At kami ay mayroong ganitong pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo
[5] hindi dahil sa may kakayahan kami sa aming sarili upang ibilang na ang anumang bagay ay galing sa aming sarili, kundi ang aming kakayahan ay sa Diyos
[6] na siya rin ang nagbigay ng kakayahan sa amin na mga tagapaglingkod ng bagong tipan, hindi sa pamamagitan ng kasulatan kundi ng Espiritu dahil ang kasulatan ng kautusan ay pumapatay, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay ng buhay.
[7] Subalit kung ang paglilingkod ng kamatayan sa mga sulat na iniukit sa mga bato ay ginawa na may kaluwalhatian upang ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,
[8] paanong hindi magiging lalong maluwalhati ang paglilingkod ng Espiritu?
[9] Dahil kung ang paglilingkod ng kahatulan ay kaluwalhatian, lalo pang nakahihigit sa kaluwalhatian ang paglilingkod ng katuwiran
[10] sapagkat kahit ang niluwalhati ay hindi naging maluwalhati sa ganitong paraan dahil sa nangingibabaw na kaluwalhatian.
[11] Dahil kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, lalo pang higit ang kaluwalhatian niyaong nananatili.
[12] Yamang tinataglay namin ang pag-asang ito, ginagamit namin ito na may lubos na kalakasan ng loob,
[13] at hindi katulad ni Moises na naglagay ng talukbong sa kaniyang mukha upang hindi matitigan ng mga anak ni Israel ang katapusan ng kaluwalhatiang lumilipas.
[14] Ngunit ang kanilang mga pag-iisip ay nabulag dahil hanggang sa ngayon ang mismong talukbong ng pagbabasa ng lumang tipan ay nananatili pa na hindi inaalis, na ang talukbong na iyon ay lumilipas dahil kay Cristo.
[15] Subalit hanggang sa ngayon kapag binabasa ang aklat ni Moises, ang talukbong ay nakalapat pa sa kanilang puso.
[16] Gayunpaman, kapag ito ay manumbalik patungo sa Panginoon, ang talukbong ay inaalis.
[17] Ngunit ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon ay naroroon ang kalayaan.
[18] Ngunit tayong lahat, na walang nakatalukbong sa mukha, na nakikitang katulad sa salamin ang kaluwalhatian ng Panginoon, ay nababago patungo sa gayong anyo mula sa kaluwalhatian patungo sa kaluwalhatian katulad ng anyong nagmula sa Panginoon na siyang Espiritu.