Skip to content
Opens in a new window

[1] At dahil kami ay mga magkamanggagawa, kami ay sumasamo sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan,

[2] sapagkat sinasabi niya, “Sa panahong nararapat ay pinakinggan kita, at sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.” Isa 49:8 Narito, ngayon ang panahong katanggap-tanggap. Narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.

[3] Kami ay hindi nagbigay kaninuman ng anumang dahilan ng katitisuran upang hindi mapulaan ang paglilingkod.

[4] Sa halip, bilang mga tagapaglingkod ng Diyos ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng: maraming pagtitiis, sa mga paghihirap, sa mga pangangailangan, sa mga kagipitan,

[5] sa mga paghagupit, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga pagpapagal, sa mga pagpupuyat, sa mga pag-aayuno,

[6] sa kadalisayan, sa kaalaman, sa pagtitiis, sa kabutihan, sa Banal na Espiritu, sa walang pakunwaring pag-ibig,

[7] sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwang kamay,

[8] sa pamamagitan ng karangalan at kawalang karangalan, sa pamamagitan ng masamang ulat at mabuting ulat, itinulad sa mga mandaraya ngunit mga matapat,

[9] itinulad sa mga hindi kilala ngunit mga kilalang-kilala, itinulad sa mga namamatay, ngunit, narito, mga nabubuhay, itinulad sa mga pinarurusahan ngunit hindi pinapatay,

[10] itinulad sa mga namimighati ngunit palaging nagagalak, itinulad sa mga dukha ngunit maraming pinapayaman, itinulad sa walang tinatangkilik na anuman ngunit nagtatangkilik ng lahat ng mga bagay.

[11] Kayong mga taga-Corinto, ang aming bibig ay bukas at ang aming puso ay pinalawak para sa inyo.

[12] Kayo ay hindi nagigipit dahil sa amin kundi kayo ay nagigipit dahil sa inyong sariling damdamin.

[13] Kaya bilang tugon, ako ay nagsasalita katulad sa aking mga anak, kayo rin ay magpalawak.

[14] Huwag kayong makipamatok sa hindi mananampalataya sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa hindi pagkilala sa kautusan? At anong pakikipag-isa mayroon ang liwanag sa kadiliman?

[15] At anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya?

[16] At anong pagkakasundo mayroon ang banal na dako ng templo ng Diyos sa mga diyos-diyosan? Sapagkat kayo ang banal na dako ng templo ng Diyos na buhay. Katulad ng sinabi ng Diyos, “Mananahan ako sa kanila at lalakad sa gitna nila at ako ay magiging Diyos nila at sila ay magiging aking bayan.” Exo 29:44; Lev 26:12; Jer 32:38; Eze 37:27

[17] Kung kaya, “Lumabas kayo mula sa kalagitnaan nila at kayo ay humiwalay, sabi ng Panginoon, at huwag kayong humawak ng maruming bagay at kayo ay aking tatanggapin.” Isa 52:11

[18] “Ako ay magiging ama sa inyo at kayo ay magiging mga anak sa akin, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.” 2Sa 7:14; 1Cr 17:13; Jer 31:1

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters