Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya mga minamahal, yamang tinataglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa lahat ng karumihan ng laman at espiritu, na ating ginagawang ganap ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

[2] Tanggapin ninyo kami, wala kaming ginawang kamalian kaninuman, wala kaming ginawang masama kaninuman, wala kaming ginawang pagsasamantala kaninuman.

[3] Hindi ko ito sinasabi upang kayo ay hatulan sapagkat sinabi ko na noong una, na kayo ay nasa aming puso upang mamatay na kasama namin at mabuhay na kasama namin.

[4] Lubos ang lakas ng aking loob para sa inyo, lubos ang aking pagmamalaki dahil sa inyo sapagkat ako ay napuspos ng kaaliwan at ako ay nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming paghihirap.

[5] Sapagkat kahit nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming katawan ay walang kapahingahan at kami ay pinahihirapan sa lahat ng panig, sa labas ay pag-aaway-away at sa loob ay pagkatakot.

[6] Ngunit ang Diyos na siyang umaaliw sa mga mababang kalagayan ang siyang umaaliw sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito.

[7] Hindi lamang dahil sa kaniyang pagdating subalit kahit sa kaaliwang tinanggap niya sa inyo nang sinabi niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kalungkutan at ang inyong kasigasigan alang-alang sa akin, kung kaya ako ay lalong nagalak.

[8] Sapagkat kahit na kayo ay pinagdalamhati ko sa pamamagitan ng sulat, sa ngayon ay hindi ko pinagsisisihan bagaman iyon ay pinagsisihan ko noon dahil nakikita ko ang sulat na iyon ay nagbigay ng pagdadalamhati sa inyo kahit na sa maikling panahon.

[9] Ako ngayon ay nagagalak hindi dahil sa kayo ay nagdalamhati kundi dahil kayo ay nagdalamhati patungo sa pagsisisi, sapagkat kayo ay nagdalamhati ayon sa paraan ng Diyos upang kayo ay hindi malugi sa anuman sa pamamagitan namin.

[10] Sapagkat ang pagdadalamhati ayon sa paraan ng Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi patungo sa kaligtasan na hindi pagsisisihan, ngunit ang pagdadalamhating mula sa sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan.

[11] Narito, sapagkat ang bagay na ito mismo, ang inyong pagdadalamhati ayon sa paraan ng Diyos ay nagbunga sa inyo ng kasigasigan, at ng pagtatanggol sa inyong sarili, at ng pagkagalit, at ng pagkatakot, at ng pagsusumikap at ng paghahangad ng katarungan. Sa lahat ng mga bagay ay pinatunayan ninyo na dalisay ang inyong mga sarili sa bagay na ito.

[12] Kaya nga, kahit na ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil sa isang gumawa ng pagkakamali, ni dahil sa isang ginawan ng pagkakamali kundi upang ang aming pagsusumigasig alang-alang sa inyo ay mahayag sa harap ng Diyos.

[13] Dahil dito, kami ay naaliw sa kaaliwan ninyo at lalo kaming nagalak nang lubos sa kagalakan ni Tito sapagkat sumigla ang kaniyang espiritu dahil sa inyong lahat.

[14] Sapagkat kung ipinagmalaki ko sa kaniya ang anumang patungkol sa inyo, ako ay hindi napahiya. Ngunit kung paanong kami ay nagsalita sa inyo ng lahat ng bagay sa katotohanan, ang amin ding pagmamalaki sa inyo patungkol kay Tito ay natagpuan na totoo.

[15] Kaya lalong higit na sumagana ang kaniyang mahabaging kalooban sa inyo habang kaniyang inaalala ang pagsunod ninyong lahat, kung paanong siya ay inyong tinanggap na may takot at panginginig.

[16] Kaya ako ay nagagalak sapagkat sa lahat ng mga bagay ay lumalakas ang aking loob dahil sa inyo.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters