Skip to content
Opens in a new window

[1] Sapagkat alam natin na kapag ang ating panlupang bahay na toldang ito ay masira, tayo ay mayroong gusaling mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng mga kamay, na pangwalang hanggan sa kalangitan.

[2] At dahil dito, tayo ay dumaraing at nananabik na maibihis sa atin ang ating tahanang mula sa langit.

[3] At kung tayo nga ay mabihisan, tayo ay hindi na matatagpuang hubad

[4] sapagkat tayo rin na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan hindi dahil ibig nating mahubaran kundi upang mabihisan, nang sa gayon ang may kamatayan ay malamon sa pamamagitan ng buhay.

[5] Ngunit ang Diyos ang siyang gumawa sa atin para sa mismong bagay na ito, na siya ring nagbigay sa atin ng katiyakan ng Espiritu.

[6] Kaya tayo ay palaging may lakas ng loob at alam natin na habang tayo ay nananahan sa katawang ito, tayo ay wala sa tahanang mula sa Panginoon

[7] sapagkat tayo ay namumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nakikita.

[8] Gayunpaman, tayo ay may lakas ng loob at higit na ninanais na mawala mula sa katawan at manahang kasama ng Panginoon.

[9] Dahil dito, tayo rin ay naghahangad upang maging kaluguran sa kaniya, tayo man ay nananahan sa katawan o wala sa katawan,

[10] sapagkat tayong lahat ay kailangang tumayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tatanggap ng mga bagay patungkol sa kaniyang ginawa ukol sa katawan, ito man ay mabuti o masama.

[11] Kaya dahil alam namin ang pagkatakot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao. Ngunit kami ay nahayag sa Diyos at ako ay umaasa na mahayag din sa inyong mga budhi.

[12] Sapagkat hindi namin ipinapakilalang muli ang aming mga sarili sa inyo, sa halip ay ibinibigay namin sa inyo ang pagkakataong magmalaki dahil sa amin, upang kayo ay magkaroon ng sagot sa kanila na ang pagmamalaki ay panlabas ngunit hindi mula sa puso,

[13] dahil kung kami ay wala sa aming sarili, iyon ay para sa Diyos at kung kami ay nasa wastong pag-iisip, iyon ay para sa inyo.

[14] Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, dahil dito, aming pinagpasyahan na kung may isang namatay para sa lahat, gayundin ang lahat ay namatay.

[15] At siya ay namatay para sa lahat upang sila na nabubuhay ay hindi na mamuhay sa anumang paraan para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay at ibinangon alang-alang sa kanila.

[16] Kung kaya mula ngayon ay wala na kaming nakilalang sinumang tao ayon sa laman. Ngunit kahit nakilala namin si Cristo ayon sa laman, gayunpaman ngayon ay hindi na namin kilala sa ganitong paraan.

[17] Kaya kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bagong nilalang, ang mga dating bagay ay lumipas, narito, ang lahat ng mga bagay ay naging bago.

[18] At ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos, na sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tayo ay ipinagkasundo niya sa kaniyang sarili at ibinigay niya sa atin ang paglilingkod ng pakikipagkasundo.

[19] Dahil kung paanong ang Diyos ay na kay Cristo na ipinagkasundo ang sanlibutan sa kaniyang sarili, hindi niya ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagsalangsang at ipinagkatiwala niya sa atin ang salita ng pakikipagkasundo.

[20] Ngayon, kami ay mga kinatawan para kay Cristo, kung paanong ang Diyos ay sumasamo sa inyo sa pamamagitan namin, kami ay namamanhik na kayo ay makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo

[21] sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan alang-alang sa atin upang sa pamamagitan niya, tayo ay maging katuwiran ng Diyos.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters