Skip to content
Opens in a new window

[1] Hayaang ibilang ng sinumang aliping nasa ilalim ng pamatok na karapat-dapat sa buong paggalang ang kanilang mga amo upang ang pangalan ng Diyos at ang kaniyang katuruan ay hindi malapastangan.

[2] At sila na may mga amo na mananampalataya ay huwag mag-isip laban sa kanila dahil sila ay mga kapatid, sa halip ay hayaan silang maglingkod sa kanila dahil sila ay mananampalataya at mga minamahal na mga kabahagi ng kapakinabangan. Ituro mo at isamo mo ang mga bagay na ito.

[3] Kung ang sinuman ay nagtuturo ng kakaibang turo at hindi sumasang-ayon sa mabuting mga salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa katuruan ayon sa pagiging makadiyos,

[4] siya ay mayabang, walang nauunawaan ngunit nahuhumaling patungkol sa pagtatalu-talo at pagtutunggali ng mga salita, na mula sa mga ito ay nagaganap ang inggit, paglalaban-laban, mga paglapastangan, mga masamang hinala,

[5] mga pagtatalo ng mga taong nabulok na ang mga pag-iisip at salat sa katotohanan na nag-aakalang ang pagkakaroon ng pakinabang ay ang pagiging makadiyos. Layuan mo ang mga taong katulad nito.

[6] Ngunit ang pagiging makadiyos na may kapanatagan, ito ay ang pagkakaroon ng malaking pakinabang

[7] sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at dahil dito ay maliwanag na tayo ay hindi makakapagdala ng anuman mula rito.

[8] Kaya sa pagkakaroon ng mga pagkain at mga damit ay maging sapat na sa atin ang mga ito.

[9] Subalit sila na nagnanais na maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag at sa mga hangaring mangmang at mapaminsala na siyang naglulubog sa mga tao patungo sa pagkawasak at pagkapahamak

[10] sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ang ugat ng lahat ng mga kasamaan, na sa paghahangad nito ay nailigaw ang ilan palayo sa pananampalataya at tinuhog nila ng maraming pagdadalamhati ang kanilang sarili.

[11] Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, takasan mo ang mga bagay na ito at sikapin mong sundin ang katuwiran, ang pagiging makadiyos, ang katapatan, ang pag-ibig, ang pagtitiis at ang kaamuan.

[12] Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan kung saan ay tinawag ka rin ng Diyos at inihayag mo ang mabuting pahayag sa harapan ng maraming saksi.

[13] Itinatagubilin ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na siyang nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay at sa harapan ni Cristo Jesus na siyang nakasaksi ng mabuting pahayag sa harapan ni Pontio Pilato,

[14] na iyong tuparin ang utos na ito nang walang dungis at hindi napupulaan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo

[15] na siyang magpapakita sa kaniyang sariling panahon, ang kapuri-puri at ang tanging makapangyarihan, ang Hari ng mga hari at ang Panginoon ng mga panginoon,

[16] ang tanging walang kamatayan, na naninirahan sa liwanag na hindi malalapitan, na siyang hindi nakita o maaring makita ng sinumang tao. Sumasakaniya ang karangalan at ang kapangyarihang walang hanggan. Siya nawa.

[17] Pagtagubilinan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang maging mapagmataas, ni umasa sa kayamanang walang katiyakan kundi sa Diyos na buhay na siyang masaganang nagkakaloob sa atin ng lahat ng mga bagay upang ating matamasa,

[18] na sila ay gumawa ng mabuti, na sila ay sumagana sa mabubuting gawa, na handang magbigay at kusang-loob na nagbabahagi sa iba

[19] upang maglaan sila sa kanilang sarili ng mabuting saligan para sa hinaharap nang sa gayon ay makapanangan sila sa buhay na walang hanggan.

[20] O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkakatiwala sa iyo sa pamamagitan ng pagtalikod mo sa mga mapaglapastangan at walang kabuluhang mga usapan at mga pagtatalu-talo ng tinawag na huwad na karunungan,

[21] na sa pagpapahayag nito ng ilan, sila ay nalihis sa pananampalataya. Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Kay Timoteo — Chapters