[1] Huwag mong sawayin ang isang matanda, sa halip ay magsumamo ka sa kaniya katulad sa isang ama, at sa mga nakababatang lalaki katulad sa mga kapatid na lalaki,
[2] sa matatandang babae katulad sa mga ina at sa mga nakababatang babae katulad sa mga kapatid na babae, ng buong kadalisayan.
[3] Igalang mo ang mga babaing balo na tunay na mga balo.
[4] Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nilang ipakita ang pagiging makadiyos sa kanilang sambahayan at magbigay ng ganti sa kanilang mga ninuno sapagkat ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos.
[5] Ngayon, siya na tunay na babaing balo at nanatiling nag-iisa ay sa Diyos na umasa, at sa gabi at araw ay nagpapatuloy sa mga pagdaing at sa mga pananalangin sa Diyos,
[6] subalit siya na nagpapakasasa habang siya ay nabubuhay ay namatay na.
[7] Ipagtagubilin mo rin ang mga bagay na ito upang sila ay hindi mapulaan.
[8] Ngunit kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa kaniyang sarili at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, ipinagkaila na niya ang pananampalataya at siya ay masahol pa sa hindi mananampalataya.
[9] Huwag mong isama sa talaan ang babaing balo na wala pang animnapung taong gulang. Dapat na siya ay naging asawa na ng isang lalaki,
[10] siya ay nagiging patotoo sa mabubuting gawa yamang pinalaki niya ang kaniyang mga anak, yamang binuksan niya ang kaniyang tahanan sa mga dayuhan, yamang hinugasan niya ang mga paa ng mga banal, yamang tinulungan niya ang mga nahihirapan at yamang masikap siyang sumama sa bawat mabuting gawa.
[11] Ngunit tanggihan mong itala ang mga nakababatang babaing balo sapagkat sila ay nagnanais na mag-asawa kapag sila ay magkaroon ng makalamang pagnanasa laban kay Cristo,
[12] na mayroong kahatulan sapagkat itinakwil nila ang kanilang unang pananampalataya.
[13] At sa pagkakataong ito ay natututo rin silang maging tamad na nagpapalipat-lipat sa mga bahay-bahay. Ngunit hindi lang sila mga tamad kundi sila rin ay mga mapagsitsit at mga nakikialam sa buhay ng ibang tao sa pagsasabi nila ng mga bagay na hindi nararapat.
[14] Kaya ninanais ko na ang mga nakababatang babaing balo ay magsipag-asawa, magsipanganak at magsialaga ng kanilang tahanan upang sila ay hindi magbigay ng pagkakataon na alipustain ng kaaway
[15] sapagkat ang ilan ay bumaling na at sumunod kay Satanas.
[16] Kung ang sinumang mananampalatayang lalaki o mananampalatayang babae ay may mga babaing balo, hayaan siyang tumulong sa kanila at huwag niyang hayaang mabigatan ang iglesiya upang ito ay makatulong sa tunay na mga babaing balo.
[17] Hayaang ibilang na karapat-dapat tumanggap ng ibayong pagpapahalaga ang matatanda na mabuti ang pangangasiwa, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa salita at sa pagtuturo
[18] sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Huwag mong busalan ang baka na gumigiik,” Deu 25:4 at “Ang mga manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang sahod.” Luc 10:7
[19] Huwag kang tumanggap ng paratang laban sa isang matanda maliban sa harap ng dalawa o tatlong saksi.
[20] Sila na mga nagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang ang iba rin ay magkaroon ng takot.
[21] Mataimtim kitang pinagtatagubilinan sa harapan ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo at ng mga anghel na pinili ng Diyos na mapag-ingatan mo ang mga bagay na ito na walang unang itinatanging anuman, na walang ginagawang anuman na may pagkiling.
[22] Huwag mong ipatong kaagad-agad ang iyong mga kamay sa kaninuman, ni huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.
[23] Huwag lamang tubig ang iyong inumin kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit.
[24] Ang mga kasalanan ng ilang tao ay nauuna sa kanila bago ang paghatol, ngunit sa ilang tao, ang mga kasalanan naman ang nakasunod sa kanila sa paghatol.
[25] Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay unang nakikita at ang mga hindi mabubuting gawa ay hindi makayang itago.