Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang pananalitang ito ay mapagkakatiwalaan: Kung masikap na hinahangad ng sinuman ang gawain ng isang tagapangasiwa, siya ay nagnanais ng mabuting gawain.

[2] Ang tagapangasiwa nga ay dapat hindi napupulaan, lalaking may isang asawa, maingat sa pag-iisip, maayos ang pag-iisip, mabuting pag-uugali, bukas ang tahanan sa mga dayuhan, handang magturo,

[3] hindi manginginom ng alak, hindi palaaway, hindi gahaman sa masamang kapakinabangan, sa halip ay mahinahon, mapayapa, hindi maibigin sa salapi,

[4] pinamamahalaang mabuti ang kaniyang sariling tahanan, nagpapasakop na may karangalan ang kaniyang mga anak,

[5] (sapagkat kung ang sinumang lalaki ay hindi marunong mamahala ng kaniyang sariling sambahayan, papaano niya pangangalagaan ang iglesiya ng Diyos?),

[6] hindi baguhang mananampalataya upang hindi siya magmayabang at mahulog sa hatol na tinanggap ng diyablo.

[7] Higit pa rito, siya ay dapat na may mabuti ring patotoo sa kanila na nasa labas upang siya ay hindi mahulog sa pangungutya at sa bitag ng diyablo.

[8] Gayundin, ang mga diyakono ay dapat na marangal, hindi madaya ang pananalita, hindi sugapa sa alak, hindi gahaman sa masamang kapakinabangan,

[9] pinanghahawakan ang hiwaga ng pananampalataya na may malinis na budhi.

[10] Ngunit sila rin ay subukin muna at pagkatapos ay hayaan silang maglingkod kung walang maipaparatang sa kanila.

[11] Gayundin, ang kanilang mga asawang babae ay dapat na marangal, hindi mapanirang-puri, maingat sa pag-iisip at matapat sa lahat ng mga bagay.

[12] Ang mga diyakono ay dapat na asawa ng isang babae, na pinamamahalaan nilang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang mga sambahayan,

[13] sapagkat sila na naglilingkod nang mabuti bilang diyakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng mabuting tungkulin at ng dakilang kalakasan ng loob sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

[14] Kahit na inaasahan kong makarating sa iyo kaagad, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa iyo

[15] upang iyong malaman kung paano ang dapat na maging ugali mo sa tahanan ng Diyos na siyang iglesiya ng Diyos na buhay, ang haligi at saligan ng katotohanan, kapag ako man ay matatagalan.

[16] At tiyak ang kapahayagan ng dakilang hiwaga ng pagiging makadiyos: Ang Diyos ay nahayag sa laman, inihayag sa pamamagitan ng Espiritu na siya ay matuwid, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga Gentil, sinampalatayanan sa sanlibutan at tinanggap sa kaluwalhatian.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Kay Timoteo — Chapters