[1] Ngunit ang Espiritu ay maliwanag na nagsasabi na sa huling mga panahon ay tatalikod ang ilan mula sa pananampalataya sa pagbibigay halaga sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo,
[2] sa pagpapakunwari ng mga nagsasalita ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagpaso ng mainit na bakal sa kanilang budhi,
[3] sa pagbabawal nila ng pag-aasawa, at iniuutos nila na umiwas sa mga pagkain na nilikha ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat para sa kanila na sumasampalataya at nakakaalam na ng katotohanan.
[4] Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang anumang tatanggihan kung ito ay tinatanggap ng may pasasalamat
[5] dahil ito ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
[6] Kung ipinapaalala mo ang mga bagay na ito sa mga kapatid na pinapakain ng mga salita ng pananampalataya at ng mabuting katuruan na buong ingat mong sinusunod na, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Jesu-Cristo.
[7] Ngunit tanggihan mo ang mga mapaglapastangan at mga alamat ng matatandang babae, at sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging makadiyos,
[8] sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay kapaki-pakinabang sa kakaunting bagay subalit ang pagiging makadiyos, na mayroong pangako sa buhay ngayon at sa buhay na dumarating, ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.
[9] Ito ang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na tanggapin ng lahat
[10] sapagkat sa dahilan ding ito, kami ay nagpapagal at dumaranas ng pangungutya dahil kami ay umaasa sa Diyos na buhay na siyang tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalung-lalo na sa kanila na mga sumasampalataya.
[11] Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito.
[12] Huwag hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan, ngunit maging huwaran ka ng mga sumampalataya: sa salita, sa pag-uugali, sa pag-ibig, sa espiritu, sa pananampalataya at sa kadalisayan.
[13] Pahalagahan mo ang pagbabasa, ang pagpapalakas ng loob at ang pagtuturo hanggang sa ako ay makarating.
[14] Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo na ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng paghahayag na may pagpatong ng mga kamay ng matatanda sa iglesiya.
[15] Pagbulay-bulayan mo ang mga bagay na ito. Italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong paglago ay mahayag sa lahat.
[16] Pag-ingatan mo ang iyong sarili at ang katuruan. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at sila na mga nakikinig sa iyo.