Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang matatanda na nasa inyo ay pinagtatagubilinan ko bilang isa ring matanda at saksi sa mga paghihirap ni Cristo at kabahagi ng kaluwalhatiang malapit nang ihayag.

[2] Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangasiwaan ninyo sila nang hindi napipilitan kundi kusang-loob, hindi dahil sa masamang kapakinabangan kundi dahil sa kasiglahan,

[3] at hindi katulad ng mga namumuno na may pagkapanginoon sa nasasakupan ng Diyos kundi bilang huwaran ng kawan.

[4] At kapag ang Pangulong Pastol ay mahayag, kayo ay tatanggap ng putong ng kaluwalhatian na hindi kumukupas.

[5] Gayundin kayong mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. Oo, ang lahat sa inyo ay magpasakop sa isa't isa. Isuot ninyo ang kapakumbabaan sapagkat “sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas, ngunit siya ay nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.” Kaw 3:34

[6] Kaya magpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay kaniyang itaas sa takdang panahon.

[7] Ilagak ninyo sa kaniya ang lahat ninyong kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

[8] Mag-isip kayo ng maayos at magbantay kayo sapagkat ang diyablo na inyong kaaway ay katulad ng leon na umaatungal at umaali-aligid na naghahanap kung sino ang kaniyang malalamon.

[9] Makipaglaban kayo sa kaniya na may katatatagan ng pananampalataya dahil alam na ninyo na ang gayon ding pagdanas ng mga paghihirap ay nangyayari sa inyong mga kapatid na nasa sanlibutan.

[10] Ngunit ang Diyos ng lahat ng biyaya, na siyang tumawag sa atin patungo sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo Jesus, ang siya nawang magpaging-ganap sa inyo, magpatatag, magpalakas, at magpanatiling matatag sa inyo pagkatapos ninyong magdanas ng paghihirap sa maikling panahon.

[11] Sa kaniya ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailan pa man. Siya nawa!

[12] Isinulat ko ang maikling liham na ito sa pamamagitan ni Silvano, na itinuturing kong matapat na kapatid, na isinasamo ko at pinatotohanan ko na ito ang totoong biyaya ng Diyos kung saan kayo nanindigan.

[13] Ang iglesiya na nasa Babilonia na piniling kasama ninyo, at si Marcos na aking anak, ay bumabati sa inyo.

[14] Magbatian kayo sa isa't isa ng halik ng pag-ibig. Ang kapayapaan ay sumainyo nawang lahat na na kay Cristo Jesus. Siya nawa.

Ang Unang Sulat Ni Pedro — Chapters