Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya yamang si Cristo ang nagbata ng hirap sa laman alang-alang sa atin, ilagay rin ninyo sa inyong sarili ang gayunding kaisipan sapagkat ang nagbata ng hirap sa laman ay tumigil na sa pakikipag-ugnayan sa kasalanan,

[2] upang sa nalalabi niyang panahon sa katawang ito ay hindi na siya mamuhay kailanman para sa masamang pagnanasa ng mga tao kundi sa kalooban ng Diyos.

[3] Sapagkat ang nakaraang panahon ng ating buhay ay sapat na upang gawin ang kalooban ng mga Gentil nang tayo ay lumakad sa mga kahalayan, sa masasamang pagnanasa, sa mga paglalasing, sa magugulong pagtitipon, sa mga pag-iinuman at sa mga kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyos-diyosan,

[4] kung saan ay iniisip nila na hindi pangkaraniwan na kayo ay hindi tumatakbong kasama nila patungo sa gayong labis na kaguluhan at kayo ay nilalait nila.

[5] Ngunit sila ay mananagot sa Diyos na nakahanda upang humatol sa mga nabubuhay at sa mga patay.

[6] Dahil dito, ang ebanghelyo ay ipinahayag din sa mga namatay upang sila nga ay mahatulan ayon sa mga taong nasa laman, ngunit mabubuhay sa espiritu ayon sa kalooban ng Diyos.

[7] Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na, kaya ayusin ninyo ang inyong pag-iisip at magbantay kayo sa pananalangin.

[8] At higit sa lahat, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong ningas sapagkat “ang pag-ibig ang magtatakip ng napakaraming kasalanan.”

[9] Maging bukas ang inyong tahanan sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.

[10] Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, ito ay ipaglingkod ninyo sa inyong kapwa bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang biyaya ng Diyos.

[11] Kung ang sinuman ay nagsasalita, magsalita siya nang katulad sa salita ng Diyos. Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya ayon sa lakas na ibinibigay ng Diyos upang sa lahat ng mga bagay ay mapapurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaniya ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailan pa man. Siya nawa.

[12] Mga minamahal, huwag ninyong isipin na hindi pangkaraniwan ang matinding pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo ay subukin, na parang hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa inyo.

[13] Ngunit magalak kayo yamang kayo ay nakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian ay magalak din kayo na may lubos na kagalakan.

[14] Kung kayo ay inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, pinagpala kayo sapagkat ang Espiritu ng kaluwalhatian at ng Diyos ay nananahan sa inyo, na para sa kanila, si Cristo ay nilalapastangan, ngunit para sa inyo, siya ay niluluwalhati.

[15] Ngunit huwag hayaang magdusa ang sinuman sa inyo kagaya ng mamamatay-tao, o ng magnanakaw, o ng gumagawa ng masama, o kagaya ng mapanghimasok sa gawain ng iba.

[16] Subalit kung siya ay magdanas ng hirap bilang Cristiano, huwag siyang mahiya, sa halip ay luwalhatiin niya ang Diyos sa pangyayaring ito.

[17] Sapagkat panahon na upang magsimula ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin sinimulan, ano kaya ang magiging wakas niyaong mga sumusuway sa ebanghelyo ng Diyos?

[18] At “kung ang matuwid ay mahirap maligtas, saan kaya makikita ang hindi makadiyos at ang makasalanan?” Kaw 11:31

[19] Kung kaya ang mga nagdaranas ng hirap ayon sa kalooban ng Diyos, hayaang ipagkatiwala nila sa kaniya bilang matapat na Manlilikha ang kanilang sariling kaluluwa sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.

Ang Unang Sulat Ni Pedro — Chapters