Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pedro, ang apostol ni Jesu-Cristo, sa mga pinili ng Diyos na mga manlalakbay na nangalat sa Ponto, Galacia, Cappadocia, Asya at Bitinia,

[2] na mga pinili ayon sa kaalamang-una ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu patungo sa pagsunod at pagwiwisik ng dugo ni Jesu-Cristo, sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan.

[3] Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na ayon sa kaniyang masaganang kahabagan, tayo ay ipinanganak niyang muli patungo sa buhay na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay

[4] para sa mana na walang kabulukan, walang dungis at walang kupas na nakalaan sa langit para sa inyo.

[5] At tayo ay iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang nakahandang ihayag sa huling panahon.

[6] Dahil dito, kayo ay lubos na nagagalak, bagaman ngayon sa sandaling panahon kung kailangan ay pinagdalamhati kayo sa pamamagitan ng iba't ibang pagsubok

[7] upang ang pagiging-subok ng inyong pananampalataya na lalong higit na mahalaga kaysa ginto na nasisira, bagaman ito ay sinusubok sa pamamagitan ng apoy, masumpungan para sa kapurihan at karangalan at kaluwalhatian sa pagpapakita ni Jesu-Cristo

[8] na kahit siya ay hindi ninyo nakita, siya ay inyong iniibig. Bagaman sa ngayon, siya ay hindi nakikita, kayo ay sumasampalataya sa kaniya, at kayo ay lubos na nagagalak ng kagalakang hindi kayang ipaliwanag ng salita at puspos ng kaluwalhatian

[9] dahil tinanggap ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.

[10] Patungkol sa kaligtasang ito, ang mga propetang naghayag patungkol sa biyayang darating sa inyo ay masikap na naghanap at masikap na nagsiyasat,

[11] na kanilang sinisiyasat kung ano o kung anong panahon mangyayari ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang pinatotohanan nito noong una pa ang patungkol sa mga paghihirap ni Cristo at ang mga kaluwalhatian pagkatapos nito.

[12] Ito ay ipinahayag sa kanila, na hindi para sa kanilang sarili kundi para sa atin na kanilang pinaglilingkuran sa mga bagay na ito, na sa gayon ay ibinalita sa inyo sa pamamagitan niyaong mga tagapangaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, na ang mga anghel ay mahigpit na naghahangad upang mamasdan ang mga bagay na ito.

[13] Dahil dito, bigkisan ninyo ang mga baywang ng inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip at lubos kayong umasa sa biyayang dinadala sa inyo sa pagkahayag ni Jesu-Cristo.

[14] Katulad ng mga masunuring anak, huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa dati ninyong masidhing pagnanasa sa pamamagitan ng kawalan ng pang-unawa.

[15] Ngunit kung paanong ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal din kayo sa inyong sarili sa lahat ng inyong pag-uugali

[16] sapagkat ito ang nasusulat, “Magpakabanal kayo sapagkat ako ay banal.” Lev 11:44-45; 19:2

[17] At kung tinatawag ninyo ang Ama na siyang humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, sa panahon na kayo ay namumuhay bilang dayuhan dito ay mamuhay kayong may banal na pagkatakot,

[18] yamang nalalaman ninyo na hindi kayo tinubos ng nasisirang mga bagay kagaya ng pilak at ginto mula sa inyong walang kabuluhang pamumuhay na minana sa pamamagitan ng tradisyon ng inyong mga ninuno,

[19] kundi ng mahalagang dugo ni Cristo na katulad ng isang korderong walang kapintasan at walang dungis.

[20] Siya nga ang itinalaga ng Diyos nang una pa bago ang pagkatatag ng sanlibutan, ngunit nahayag sa mga huling panahong ito alang-alang sa inyo,

[21] na sa pamamagitan niya, kayo ay sumasampalataya sa Diyos na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga patay at nagbigay kaluwalhatian sa kaniya upang ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

[22] Yamang ang inyong mga kaluluwa ay dinalisay na sa pagsunod sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu para sa pag-ibig na walang pagkukunwari ng mga kapatid, kayo ay mag-ibigan sa isa't isa nang buong ningas, na may malinis na puso

[23] dahil kayo ay ipinanganak nang muli, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira kundi ng binhing hindi nasisira, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at nananatili magpakailanman.

[24] Sapagkat “Ang lahat ng tao ay katulad ng damo at ang lahat ng kaluwalhatian ng tao ay katulad ng bulaklak ng damo. Ang damo ay natutuyo at ang bulaklak ay nalalagas,

[25] ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.” Isa 40:6-8 At ang salitang ito ay ang ebanghelyo na ipinangaral sa inyo.

Ang Unang Sulat Ni Pedro — Chapters