[1] Gayundin, mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa upang kung mayroon sa kanila na masuwayin sa salita ng Diyos, sila ay mahihikayat ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae
[2] dahil nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot.
[3] Ang inyong paggayak ay hindi ang panlabas na paggayak ng pagtitirintas ng buhok at ng pagpapalamuti ng mga ginto o pagsusuot ng mga mamahaling damit.
[4] Sa halip ay gayakan ninyo ang panloob na pagkatao sa inyong puso ng hindi nasisirang gayak ng maamo at mapayapang espiritu na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos.
[5] Sapagkat noong unang panahon ay sa ganito ring paraan ginayakan ng mga babaing banal na nagtitiwala sa Diyos ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kanilang mga asawa,
[6] kung paanong si Sara ay sumunod kay Abraham nang siya ay tinawag niyang panginoon. Kayo ay mga anak niya sa paggawa ng mabuti at sa pagkawalang-takot ninyo sa anumang pangamba.
[7] Gayundin ang mga asawang lalaki, manahan kayong kasama nila ayon sa kaalaman, ipagkaloob ninyo ang karangalan sa mga babae katulad ng sa mas mahinang sisidlan at kung paanong kayo ay kapwa tagapagmana ng biyaya ng buhay, upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.
[8] Ngunit sa katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaisa sa pag-iisip, magkaroon ng pagdadamayan, ng pagmamahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at maging magalang.
[9] Huwag kayong gumanti ng masama sa masama, o ng pag-alipusta sa pang-aalipusta. Ngunit sa kabila nito, sila ay pagpalain ninyo yamang alam na ninyo na kayo ay tinawag para rito upang kayo ay magmana ng pagpapala
[10] sapagkat, “Siya na nagnanais magmahal sa buhay at makakita ng mabubuting araw ay dapat magpigil ng kaniyang dila mula sa masama at ng kaniyang mga labi upang hindi magsalita ng pandaraya.
[11] Lumayo siya sa masama at gumawa siya ng mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ipagpatuloy niya ito
[12] sapagkat ang paningin ng Panginoon ay sa mga matuwid at ang kaniyang pandinig ay para sa kanilang panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na gumagawa ng masama.” Awi 34:12-16
[13] At sino ang gagawa ng masama sa inyo kapag kayo ay nagiging tagasunod ng mabuti?
[14] Ngunit kahit kayo ay pinahihirapan dahil sa katuwiran, pinagpala kayo. “At huwag kayong matakot o mangamba man sa kanilang labis na pananakot.” Isa 8:12
[15] Subalit pabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso at maging palaging handa na may kaamuan at banal na pagkatakot upang magbigay ng kasagutan sa bawat isang humihingi sa inyo ng dahilan patungkol sa pag-asang nasa inyo.
[16] Magkaroon kayo ng mabuting budhi upang kahit magsalita sila ng masama laban sa inyo katulad ng mga manggagawa ng masama, sila na umaalipusta sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo ay mapapahiya,
[17] sapagkat kung ipapahintulot ng kalooban ng Diyos, higit na mabuti ang magdanas ng paghihirap dahil sa paggawa ng mga kabutihan kaysa sa paggawa ng mga kasamaan.
[18] Dahil si Cristo rin ay minsang nagdusa dahil sa mga kasalanan, ang matuwid alang-alang sa mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Siya ay totoong pinatay sa laman ngunit binuhay sa pamamagitan ng Espiritu.
[19] Sa pamamagitan din nito, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan
[20] na noon ay mga masuwayin, nang ang Diyos ay minsang matiyagang naghintay sa mga araw ni Noe habang ginagawa ang daong, kung saan ang ilang iyon na walong kaluluwa, ay naligtas sa pamamagitan ng tubig
[21] na larawang kahalintulad din sa atin na ang bawtismo ngayon ay nagliligtas (hindi ang pag-alis ng karumihan ng laman kundi ang tugon ng mabuting budhi sa Diyos) sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo.
[22] Siya ay nasa bahaging kanan ng Diyos nang siya ay umakyat sa langit, at ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.