Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya itabi na ninyo ang lahat ng masamang hangarin at lahat ng pandaraya at mga pagkukunwari at mga inggitan at lahat ng mga paninirang puri.

[2] Katulad ng mga sanggol na bagong silang, manabik kayo sa dalisay na gatas ng salita upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo

[3] yamang naranasan ninyo na ang Panginoon ay mabuti.

[4] Kayo ay lumalapit sa kaniya na siyang batong buhay na itinakwil nga ng mga tao, ngunit sa Diyos siya ay pinili at mahalaga.

[5] Kayo rin mismo, katulad ng mga batong buhay, ay isang bahay na espirituwal na itinatatag ng Diyos, isang pagkasaserdoteng banal upang maghandog ng mga haing espirituwal na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

[6] Dahil din dito, ito ang sinasabi ng Kasulatan, “Narito, inilalagay ko sa Zion ang pangunahing batong‑panulok, pinili at mahalaga. At siya na sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” Isa 28:16

[7] Kaya sa inyo na mga sumasampalataya, siya ay mahalaga, ngunit sa kanila na masuwayin, “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging ulo ng panulok,” Awi 118:22

[8] at “batong ikabubuwal at batong katitisuran.” Isa 8:14 Sila na masuwayin ay natitisod sa salita kung saan sila rin ay nakatalaga.

[9] Ngunit kayo ay isang lahing pinili, isang makaharing pagkasaserdote, isang bansang banal at bayang pag-aari ng Diyos upang inyong ipamalita ang kapurihan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan,

[10] na noong nakaraan, kayo ay hindi niya bayan ngunit ngayon ay bayan ng Diyos, na mga hindi nagkamit ng kahabagan ngunit ngayon ay nagkamit na ng kahabagan.

[11] Mga minamahal, bilang mga dayuhan at mga manlalakbay, isinasamo ko sa inyo na kayo ay lumayo sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa

[12] sa pamamagitan ng pagkakaroon ninyo ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, upang kahit na sila ay nagsasalita laban sa inyo na katulad ng mga gumagawa ng masama ay kanilang pupurihin ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdalaw dahil nakita nila ang inyong mabubuting gawa.

[13] Kaya magpasakop kayo sa bawat pamamahalang itinatag ng tao alang-alang sa Panginoon, kung ito man ay sa hari bilang pinakamataas na pinuno,

[14] o kung sa mga gobernador man bilang kaniyang mga sugo para sa kaparusahan nga ng mga gumagawa ng masama at karangalan ng mga gumagawa ng mabuti

[15] sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ninyo na gumagawa ng mabuti ay mapapatahimik ninyo ang mga taong mangmang na walang kaalaman.

[16] At bilang mga malaya, huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan bilang panakip sa masamang hangarin, kundi magpasakop kayo bilang mga alipin ng Diyos.

[17] Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

[18] Mga kasambahay, magpasakop kayo na may buong pagkatakot sa inyong mga amo, hindi lamang sa mababait at mahinahon kundi sa mga liko rin

[19] sapagkat ito ay kapuri-puri kung ang sinuman ay nagtitiis ng mga kapighatian dahil sa kaniyang hindi makatarungang paghihirap dahil sa pagkakilala sa Diyos.

[20] At ano ang kapurihan kung kayo ay pinahihirapan dahil nagkakasala kayo, ito ay inyong tinitiis? Ngunit kung kayo ay pinahihirapan dahil gumagawa kayo ng mabuti, ito ay inyong tinitiis, ito ay katanggap-tanggap sa Diyos

[21] sapagkat kayo ay tinawag para rito dahil si Cristo rin ay naghirap alang-alang sa atin at nag-iwan sa atin ng halimbawa upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga yapak.

[22] “Siya ay hindi nagkasala at walang natagpuang pandaraya sa kaniyang bibig.” Isa 53:9

[23] Bagaman siya ay nilait, siya ay hindi nanlait. Nang siya ay nahirapan, siya ay hindi nagbanta, sa halip ay ipinagkatiwala niya ang kaniyang sarili sa kaniya na humahatol ng matuwid.

[24] Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa kahoy, upang tayo na mga patay sa kasalanan ay mabuhay sa katuwiran, at dahil sa kaniyang latay ay gumaling kayo

[25] sapagkat kayo ay katulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon ay nanumbalik kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.

Ang Unang Sulat Ni Pedro — Chapters