[1] Mga kapatid, kapag ang isang tao ay matagpuan sa anumang pagsalangsang, kayong mga espirituwal ang magpanumbalik sa katulad niya sa pamamagitan ng espiritu ng kaamuan, habang iniingatan mo ang iyong sarili na hindi ka rin matukso.
[2] Batahin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa at tuparin ninyo sa ganitong paraan ang kautusan ni Cristo,
[3] sapagkat kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga, kahit siya ay hindi mahalaga, dinadaya niya ang kaniyang sarili.
[4] Ngunit suriin ng bawat isa ang sarili niyang gawa at saka siya magkaroon ng pagmamalaki sa kaniyang sarili lamang at hindi sa iba,
[5] sapagkat ang bawat isa ay magbabata ng kaniyang sariling pasanin.
[6] Ngunit yaong tinuturuan sa salita ay hayaang magbahagi sa nagtuturo sa kaniya ng lahat ng mabubuting bagay.
[7] Huwag kayong padaya, ang Diyos ay hindi nalilibak sapagkat anuman ang ihahasik ng tao ay iyon din ang kaniyang aanihin,
[8] dahil siya na naghahasik sa kaniyang laman ay aani ng kabulukang mula sa laman, ngunit siya na naghahasik sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan.
[9] At huwag tayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti sapagkat sa takdang panahon ay aani tayo kung tayo ay hindi manlulupaypay.
[10] Kaya nga, habang tayo ay may pagkakataon, tayo ay gumawa ng mabuti sa lahat ng mga tao, at lalung-lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.
[11] Tingnan ninyo, kung gaano kalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo sa pamamagitan ng aking kamay.
[12] Sila na nagnanais na maging maganda sa panlabas na anyo sa laman ang mga pumipilit sa inyo na magpatuli upang huwag lang silang pagmalupitan dahil sa krus ni Cristo
[13] sapagkat kahit sila mismo na mga nasa pagtutuli ay hindi tumutupad sa kautusan. Subalit ninanais nila na kayo ay magpatuli upang sila ay magmapuri sa inyong katawan.
[14] Ngunit para sa akin ay huwag nawang mangyari na ako ay magmapuri maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang buong sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin at ako ay ipinako sa krus para sa sanlibutan,
[15] sapagkat kay Cristo Jesus ay walang magagawa ang pagiging nasa pagtutuli at ang pagiging nasa di-pagtutuli kundi ang bagong nilalang.
[16] At ang sinumang lalakad ng maayos sa pamantayang ito, sumakanila ang kapayapaan at kahabagan, gayundin sa Israel ng Diyos.
[17] Mula ngayon ay huwag na akong bagabagin ng sinuman sa aking mga pagpapagal sapagkat dala-dala ko sa aking katawan ang mga marka ng Panginoong Jesus.
[18] Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong espiritu. Siya nawa!