Skip to content
Opens in a new window

[1] O mangmang na mga taga-Galacia, sino ang umakit sa inyo upang hindi ninyo sundin ang katotohanan, na sa inyong mga paningin ay malinaw na ipinakita sa inyo si Jesu-Cristo, na siyang ipinako sa krus?

[2] Ito lamang ang nais kong alamin mula sa inyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya?

[3] Ganiyan ba ang inyong kamangmangan? Kayo na nagsimula sa Espiritu, kayo ba ngayon ay pinapaging-ganap sa pamamagitan ng laman?

[4] Kayo ba ay labis na naghirap ng walang kabuluhan, kung tunay namang ito ay walang kabuluhan?

[5] Ang Diyos nga ba na siyang nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga makapangyarihang gawa sa inyo ay gumagawa sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya?

[6] Sa ganitong paraan, si Abraham “ay sumampalataya sa Diyos at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” Gen 15:6

[7] Kaya nalalaman ninyo na sila na sumasampalataya, sila ang mga anak ni Abraham.

[8] At ang Kasulatan, na nakakita nang una pa na ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay unang nagpahayag ng ebanghelyo kay Abraham na sinasabi, “ang lahat ng mga bansa ay pagpapalain ng Diyos sa pamamagitan mo.” Gen 12:3; 18:18; 22:18

[9] Kung kaya sila na nasa pananampalataya ay pinagpapalang kasama ang mananampalatayang si Abraham.

[10] Sapagkat ang sinumang nagmula sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil ito ang nasusulat, “Sinumpa ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan upang isagawa ang mga ito.” Deu 27:26

[11] Kundi upang walang sinumang pinapawalang-sala sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, ito ay maliwanag sapagkat, “ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Hab 2:4

[12] Subalit ang kautusan ay hindi sa pamamagitan ng pananampalataya, gayunpaman, “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.” Lev 18:5

[13] Si Cristo ang tumubos sa atin mula sa sumpa ng kautusan sa pamamagitan ng kaniyang pagiging-sumpa dahil sa atin, sapagkat ito ang nasusulat, “Isinumpa ang bawat isang ibinibitin sa kahoy,” Deu 21:23

[14] upang ang pagpapala ni Abraham ay maangkin ng mga Gentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, nang sa gayon ay matanggap natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

[15] Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa pamamaraan ng tao. Kahit ang tipan na pinagtibay na ng tao ay walang sinumang nagpapawalang-bisa o nagdadagdag dito.

[16] Ngunit ngayon, ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi niya sinabi, “At sa maraming binhi,” katulad sa marami. Sa halip ay katulad sa isa, “At sa iyong binhi,” Gen 12:7; 13:15; 24:7 na ang binhing iyan ay si Cristo.

[17] At ito ang sinasabi ko, na ang tipan na unang pinagtibay na ng Diyos kay Cristo, pagkalipas ng apatnaraan at tatlumpung taon, ay kautusang dumating na hindi nagpapawalang-kabuluhan sa tipan upang ipawalang-bisa ang pangako,

[18] sapagkat kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, ngunit ang Diyos ang nagkaloob nito kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.

[19] Kaya ano ang layunin ng kautusan? Ito ay idinagdag ng Diyos dahil sa mga pagsalangsang hanggang sa makarating ang binhi na siyang binigyan ng pangako na itinakda sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.

[20] Ngayon, ang tagapamagitan ay hindi tagapamagitan ng isa, ngunit ang Diyos ay isa.

[21] Kaya ang kautusan ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari, sapagkat kung ang kautusan ay ipinagkaloob upang makapagbigay ng buhay, ang katuwiran ay totoong ipinagkaloob sa pamamagitan ng kautusan.

[22] Subalit ikinulong ng Kasulatan ang lahat sa ilalim ng kasalanan upang ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa kanila na mga sumasampalataya.

[23] Ngunit bago dumating ang pananampalataya, tayo ay binabantayang nakakulong sa ilalim ng kautusan patungo sa pananampalataya na malapit nang ihayag.

[24] Kung kaya ang kautusan ang naging tagapagturo natin patungo kay Cristo upang tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya.

[25] Ngunit nang dumating ang pananampalataya, tayo ay hindi na sa ilalim ng isang tagapagturo.

[26] Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus,

[27] dahil ang lahat ng mga binawtismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

[28] Wala ng Judio o kaya Griyego, wala ng alipin o kaya malaya, wala ng lalaki o kaya babae sapagkat kayong lahat ay isa kay Cristo Jesus.

[29] At kung kayo ay kay Cristo, kayo nga ay binhi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Galacia — Chapters