[1] Kaya pagkalipas ng labing-apat na taon, ako ay muling umahon sa Jerusalem kasama si Bernabe at isinama ko rin si Tito.
[2] At ako ay umahon ayon sa kapahayagan at ipinaliwanag ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinapangaral sa mga Gentil, ngunit sa kanila na kinikilalang may katungkulan ay ipinaliwanag kong bukod baka ako ay tatakbo o tumakbong walang kabuluhan.
[3] Ngunit kahit si Tito na aking kasama, na isang Griyego, ay hindi nila napilit na magpatuli.
[4] Subalit dahil sa mga huwad na mga kapatid na dinalang palihim, na pumasok na hindi namamalayan upang bantayan ang aming tinataglay na kalayaan na na kay Cristo Jesus nang sa gayon kami ay maalipin nila,
[5] kami ay hindi nagbigay ng pagkakataong magpailalim sa kanila kahit na sandaling panahon upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
[6] Ngunit sa kanila na mula sa mga kinikilalang may katungkulan, sinuman sila noon ay walang anumang ipinagkaiba sa harapan ko. Hindi tinatanggap ng Diyos ang pagkatao ng sinuman sapagkat sila na kinikilalang may katungkulan ay walang anumang naibahagi sa akin.
[7] Subalit sa kabila nito, nang nakita nila na ipinagkatiwala ng Diyos sa akin ang ebanghelyo ng mga nasa di-pagtutuli, kung paanong ang ebanghelyo ng mga nasa pagtutuli ay ipinagkatiwala kay Pedro,
[8] (sapagkat ang Diyos na may kakayahang gumawa kay Pedro para sa pagkaapostol ng mga nasa pagtutuli ay siya ring gumawa sa akin para sa mga Gentil),
[9] at nang ang biyayang ibinigay sa akin ng Diyos ay naunawaan nila Santiago at Cefas at Juan, na mga kinikilalang mga haligi ng iglesiya, ibinigay nila ang kanilang kanang kamay ng pakikipag‑isa sa akin at kay Bernabe upang kami ay pumaroon sa mga Gentil, ngunit sila naman ay pumaroon sa mga nasa pagtutuli.
[10] Ang tangi nilang ninanais na aming alalahanin ay ang mga dukha, at ito mismo ang pinagsisikapan kong gawin.
[11] Ngunit nang si Pedro ay dumating sa Antioquia, siya ay tinutulan ko nang harapan dahil siya ang dapat hatulan,
[12] sapagkat bago pa dumating ang ilang lalaking galing kay Santiago, siya ay kumakaing kasalo ng mga Gentil. Subalit nang sila ay dumating, siya ay lumayo at siya ay humiwalay dahil sa pagkatakot sa kanila na mga nasa pagtutuli.
[13] At ang ibang mga Judio ay sumama rin sa kaniyang pagpapakunwari, kaya kahit si Bernabe ay nahikayat na rin sa kanilang pagpapakunwari.
[14] Kaya nang sila ay nakita kong hindi lumalakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Pedro sa harapan ng lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay katulad ng mga Gentil at hindi namumuhay katulad ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na maging katulad ng mga Judio?
[15] Kami ay likas na mga Judio at hindi mga makasalanang nagmula sa mga Gentil,
[16] na nakaalam na ang isang tao ay hindi pinapawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, sapagkat walang sinumang tao ang mapapawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan.
[17] “Ngunit kung tayo mismo sa ating mga sarili ay natagpuan din na mga makasalanan habang hinahangad natin na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo, si Cristo ba kung gayon ay tagapaglingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari,
[18] sapagkat kung itinatayo kong muli ang mga bagay na winasak ko, ipinapakita ko ang aking sarili na tagasuway ng kautusan,
[19] dahil sa pamamagitan ng kautusan ako ay namatay sa kautusan upang ako ay mabuhay sa Diyos.
[20] Ako ay ipinako sa krus na kasama ni Cristo ngunit ako ay nabubuhay, subalit hindi ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. At ang buhay na ipinamumuhay ko ngayon sa laman ay ipinamumuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na siyang umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.
[21] Hindi ko pinawawalang-kabuluhan ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagiging‑matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan, sa gayon si Cristo ay namatay ng walang kabuluhan.”