Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo, ang apostol (hindi nagmula sa mga tao, ni hindi sa pamamagitan ng tao kundi sa pamamagitan ni Jesu‑Cristo at ng Diyos Ama na siyang nagbangon kay Jesu‑Cristo mula sa mga patay),

[2] at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko, sa mga iglesiya sa Galacia,

[3] sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

[4] Siya na ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo ay kaniyang iligtas mula sa kasalukuyang kapanahunan na masama, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.

[5] Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

[6] Ako ay namamangha dahil ganito kayo kadaling lumayo mula sa kaniya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo patungo sa kakaibang uri ng ebanghelyo

[7] na hindi ibang ebanghelyo, maliban sa ilang gumugulo sa inyo at sa kanila na nagnanais na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo.

[8] Ngunit kahit kami, o isang anghel na nagmula sa langit ay mangaral ng ebanghelyo na salungat sa aming ipinangaral sa inyo, hayaang siya ay sumpain ng Diyos.

[9] Kagaya ng sinabi na namin noong una at sa ngayon, muli kong sinasabi na kung ang sinuman ay nangangaral ng ebanghelyo sa inyo na salungat sa inyong tinanggap, hayaang siya ay sumpain ng Diyos.

[10] Sapagkat hinihikayat ko ba ngayon ang mga tao, o ang Diyos? O ako ba ay naghahangad na magbigay-lugod sa mga tao? Sapagkat kung ako ay nagbibigay-lugod pa sa mga tao, hindi ako dapat naging alipin ni Cristo.

[11] Ngunit mga kapatid, ipinapaunawa ko sa inyo na ang ebanghelyo na ipinangaral sa pamamagitan ko ay hindi ayon sa tao,

[12] sapagkat ito ay hindi ko tinanggap mula sa tao, ni itinuro ito ng tao sa akin, kundi sa pamamagitan ng kapahayagan ni Jesu-Cristo sa akin.

[13] Dahil narinig ninyo ang dati kong pamumuhay sa Judaismo kung paanong labis kong pinagmamalupitan ang iglesiya ng Diyos at pinagwawasak ito.

[14] At ako ay lumago sa pamamagitan ng Judaismo nang higit sa mga kasabay ko sa aking lahi dahil sa aking labis na kasigasigan sa mga kaugalian ng aking mga ninuno.

[15] Ngunit nang ikinalugod ng Diyos, na siyang nagbukod sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina at tumawag sa akin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya,

[16] upang ipahayag ang kaniyang Anak sa akin nang sa gayon ay aking maipangaral ang kaniyang ebanghelyo sa mga Gentil, ako ay hindi kaagad sumangguni sa tao,

[17] ni hindi ako umahon sa Jerusalem upang makipagkita sa kanila na mga apostol na nauna sa akin, sa halip ay umalis ako patungo sa Arabia at ako ay muling bumalik sa Damasco.

[18] Kaya pagkalipas ng tatlong taon, ako ay umahon sa Jerusalem upang makipagkilala kay Pedro at manatiling kasama niya sa loob ng labinlimang araw.

[19] Ngunit wala akong nakitang iba sa mga apostol kundi si Santiago na kapatid ng Panginoon.

[20] Kaya, narito, ang mga bagay na aking isinusulat sa inyo sapagkat sa paningin ng Diyos ay hindi ako nagsisinungaling.

[21] Pagkatapos ay pumunta ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia.

[22] Ngunit ako ay hindi pa nakikilala nang mukhaan ng mga iglesiya sa Judea na na kay Cristo.

[23] Subalit ang tanging naririnig nila ay, “Ang lalaki na dating nagmamalupit sa atin ay nangangaral na ngayon ng ebanghelyo ng pananampalataya na dati niyang winawasak.”

[24] At kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Galacia — Chapters