Skip to content
Opens in a new window

[1] Maawa ka sa akin, Oh Dios: sapagka't sasakmalin ako ng tao: buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.

[2] Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw: sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.

[3] Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.

[4] Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita), sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng laman sa akin?

[5] Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita: lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.

[6] Sila'y nagpipisan, sila'y nagsisipagkubli, kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang, gaya ng kanilang pagaabang sa aking kaluluwa.

[7] Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama? Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.

[8] Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya; wala ba sila sa iyong aklat?

[9] Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag: ito'y nalalaman ko, sapagka't ang Dios ay kakampi ko.

[10] Sa Dios (ay pupuri ako ng salita), sa Panginoon (ay pupuri ako ng salita),

[11] Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin?

[12] Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios: ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.

[13] Sapagka't iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan: hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog? upang ako'y makalakad sa harap ng Dios sa liwanag ng buhay.

Mga Awit — Chapters