Skip to content
Opens in a new window

[1] Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't mabuting umawit ng mga pagpuri sa ating Dios; sapagka't maligaya, at ang pagpuri ay nakalulugod.

[2] Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem; kaniyang pinipisan ang mga natapon na Israel.

[3] Kaniyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.

[4] Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; siya ang nagbibigay sa kanila ng lahat nilang pangalan.

[5] Dakila ang ating Panginoon, at makapangyarihan sa kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang hanggan,

[6] Inaalalayan ng Panginoon ang maamo: kaniyang inilulugmok sa lupa ang masama.

[7] Magsiawit kayo sa Panginoon ng pagpapasalamat; magsiawit kayo sa alpa ng mga pagpuri sa ating Dios:

[8] Na nagtatakip sa mga langit ng mga alapaap. Na siyang naghahanda ng ulan sa lupa, na nagpapatubo ng damo sa mga bundok.

[9] Siya'y nagbibigay sa hayop ng kaniyang pagkain. At sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.

[10] Siya'y hindi nalulugod sa lakas ng kabayo: siya'y hindi nasasayahan sa mga paa ng tao.

[11] Ang Panginoon ay naliligaya sa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob.

[12] Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.

[13] Sapagka't kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.

[14] Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.

[15] Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.

[16] Siya'y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.

[17] Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?

[18] Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.

[19] Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.

[20] Siya'y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit — Chapters