Skip to content
Opens in a new window

[1] Bukod dito'y sumagot ang Panginoon kay Job, at nagsabi,

[2] Magmamatapang ba siya na makipagtalo sa Makapangyarihan sa lahat? Siyang nakikipagkatuwiranan sa Dios, ay sagutin niya ito.

[3] Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,

[4] Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo? Aking inilalagay ang aking kamay sa aking bibig,

[5] Minsan ay nagsalita ako, at hindi ako sasagot: Oo, makalawa, nguni't hindi ako magpapatuloy.

[6] Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,

[7] Magbigkis ka ng iyong mga balakang ngayon na parang lalake: ako'y magtatanong sa iyo at magpahayag ka sa akin.

[8] Iyo bang wawaling kabuluhan ang aking kahatulan? Iyo bang hahatulan ako, upang ikaw ay ariing ganap?

[9] O mayroon ka bang kamay na parang Dios? At makakukulog ka ba ng tinig na gaya niya?

[10] Magpakagayak ka ngayon ng karilagan at karapatan; at magbihis ka ng karangalan at kalakhan.

[11] Ibugso mo ang mga alab ng iyong galit: at tunghan mo ang bawa't palalo, at abain mo siya.

[12] Masdan mo ang bawa't palalo, at papangumbabain mo siya; at iyong tungtungan ang masama sa kaniyang tayuan.

[13] Ikubli mo sila sa alabok na magkakasama; talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.

[14] Kung magkagayo'y ipahayag naman kita; na maililigtas ka ng iyong kanan.

[15] Narito ngayon, ang hayop na behemot na aking ginawang kasama mo: siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.

[16] Narito, ngayon, ang kaniyang lakas ay nasa kaniyang mga balakang, at ang kaniyang kalakasan ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan.

[17] Kaniyang iginagalaw ang kaniyang buntot na parang isang cedro: ang mga litid ng kaniyang mga hita ay nangagkakasabiran.

[18] Ang kaniyang mga buto ay parang mga tubong tanso; ang kaniyang mga paa ay parang mga halang na bakal.

[19] Siya ang pinakapangulo sa mga daan ng Dios: ang lumalang sa kaniya, ang makapaglalapit lamang ng tabak sa kaniya.

[20] Tunay na ang mga bundok ay naglalabas sa kaniya ng pagkain; na pinaglalaruan ng lahat ng mga hayop sa parang.

[21] Siya'y humihiga sa ilalim ng punong loto, sa puwang ng mga tambo, at mga lumbak.

[22] Nilililiman siya ng mga puno ng loto ng kanilang lilim; nililigid sa palibot ng mga sauce sa batis.

[23] Narito, kung bumubugso ang isang ilog hindi nanginginig: siya'y tiwasay bagaman umapaw ang Jordan hanggang sa kaniyang bunganga.

[24] May kukuha ba sa kaniya pag siya'y natatanod, o may tutuhog ba ng kaniyang ilong sa pamamagitan ng isang silo.

Job — Chapters