Skip to content
Opens in a new window

[1] Pagkatapos ng mga bagay na ito, naglakad si Jesus sa Galilea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon upang siya ay patayin.

[2] Noon ay malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo ng mga Judio.

[3] Kaya sinabi sa kaniya ng mga kapatid niya, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea upang makita ng iyong mga alagad ang mga gawaing iyong ginagawa

[4] sapagkat walang sinuman ang gumagawa ng anuman sa lihim at nagnanais na makilala ng hayagan. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito, ipakilala mo ang iyong sarili sa sangkatauhan”

[5] sapagkat kahit ang kaniyang mga kapatid ay hindi nananampalataya sa kaniya.

[6] Sinabi nga ni Jesus sa kanila, “Ang aking panahon ay hindi pa sa ngayon subalit ang inyong panahon ay palaging nakahanda.

[7] Hindi kayo makakayang kamuhian ng sangkatauhan, ngunit ito ay namumuhi sa akin sapagkat nagpapatotoo ako laban dito dahil ang mga gawa nito ay masama.

[8] Pumunta kayo sa kapistahang ito. Hindi pa ako pupunta sa kapistahang ito dahil ang aking panahon ay hindi pa naging ganap.”

[9] Pagkasabi niya ng mga bagay na ito sa kanila, nanatili siya sa Galilea.

[10] Ngunit pagkaalis ng kaniyang mga kapatid, saka rin siya pumunta sa kapistahan nang hindi hayagan kundi nang palihim.

[11] Kaya hinanap siya ng mga Judio sa kapistahan at sinabi nila, “Nasaan siya?”

[12] Nagkaroon ng matinding bulung-bulungan sa mga tao patungkol sa kaniya. Sinabi ng iba, “Siya ay mabuting tao.” Ngunit ang sinasabi ng iba, “Hindi, sa halip ay kaniyang inililigaw ang mga tao.”

[13] Magkagayon man, walang nagsalita ng hayagan patungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.

[14] Nang nasa kalagitnaan na ang kapistahan, umahon si Jesus sa Templo at nagturo.

[15] Namangha ang mga Judio na nagsasabi, “Papaanong natutong magbasa ang taong ito na hindi nakapag-aral?”

[16] Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Ang aking katuruan ay hindi sa akin kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.

[17] Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kaniyang kalooban, malalaman niya ang patungkol sa katuruan, kung ito ay mula sa Diyos o kung ako ay nagsasalita mula sa aking sarili.

[18] Siya na nagsasalita nang mula sa kaniyang sarili ay naghahangad ng pansariling kaluwalhatian subalit siya na ang hinahangad ay ang kaluwalhatian ng nagsugo sa kaniya, siya ang totoo at walang kalikuan sa kaniya.

[19] Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan, ngunit wala kahit isa sa inyo ang nagsasagawa ng Kautusan? Bakit hinahanap ninyo ako upang patayin?”

[20] Sumagot ang mga tao at sinabi, “Ikaw ay mayroong demonyo. Sino ang naghahanap sa iyo upang patayin ka?”

[21] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang gawa ang aking ginawa at kayong lahat ay namangha.

[22] Sa pamamagitan nito, ibinigay ni Moises sa inyo ang pagtutuli (hindi dahil ito ay nagmula kay Moises kundi mula sa inyong mga ninuno) at sa Sabat ninyo tinutuli ang isang lalaki.

[23] Kung ang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabat upang huwag malabag ang Kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil pinagaling ko ang isang lalaki sa Sabat?

[24] Huwag kayong humatol ayon sa panlabas na anyo kundi humatol kayo ng matuwid na paghatol.”

[25] Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba siya itong hinahanap nila upang patayin?

[26] Narito, siya ay hayagang nagsasalita at wala silang anumang sinasabi sa kaniya. Totoo kayang kinikilala na ng mga pinuno na ito na ang totoong Cristo?

[27] Ngunit alam natin kung saan nagmula ang taong ito. Subalit kapag dumating ang Cristo, walang makakaalam kung saan siya nagmula.”

[28] Kaya sumigaw si Jesus sa templo na nagtuturo at nagsasabi, “Kilala ninyo ako at alam ninyo ang aking pinagmulan. Hindi ako pumarito sa aking sarili, ngunit ang nagsugo sa akin na hindi ninyo kilala ay totoo.

[29] Subalit kilala ko siya sapagkat ako ay mula sa kaniya at siya ang nagsugo sa akin.”

[30] Kaya sila ay naghahanap ng pagkakataon upang dakpin siya, ngunit walang humuli sa kaniya sapagkat hindi pa dumating ang kaniyang oras.

[31] Marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya at nagsasabi, “Kapag dumating ang Cristo, gagawa ba siya ng higit na maraming tanda kaysa sa ginawa ng lalaking ito?”

[32] Narinig ng mga Fariseo ang mga bagay na pinagbulung-bulungan ng mga tao patungkol sa kaniya kaya ang mga Fariseo at ang mga punong saserdote ay nagsugo ng mga opisyal upang madakip siya.

[33] Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Makakasama pa ninyo ako ng maikling panahon at ako ay pupunta sa kaniya na nagsugo sa akin.

[34] Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako matatagpuan at kung nasaan ako ay hindi kayo makakapunta.”

[35] Kaya sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan ba siya pupunta na hindi natin siya matatagpuan? Hindi ba siya pupunta sa mga Judio na nangalat sa mga Griyego at turuan ang mga Griyego?

[36] Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako matatagpuan at kung nasaan ako ay hindi kayo makakapunta.’”

[37] Ngunit sa huling araw, sa dakilang araw ng kapistahan, tumayo si Jesus at sumigaw na nagsasabi, “Kung sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.

[38] Siya na sumasampalataya sa akin, ayon sa sinabi ng Kasulatan, ‘mula sa kaniyang kalooban ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay.’”

[39] Sinabi niya ito patungkol sa Espiritu na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kaniya dahil hindi pa naibigay ang Banal na Espiritu sapagkat si Jesus ay hindi pa naluwalhati.

[40] Kaya marami sa mga tao nang narinig ang pananalitang ito ay nagsabi, “Totoo, ito ang propeta.”

[41] Ang iba ay nagsabi, “Ito ang Cristo.” Subalit ang iba ay nagsabi, “Hindi, sapagkat ang Cristo ay hindi manggagaling sa Galilea.

[42] Hindi ba sinabi ng Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa binhi ni David at mula sa Bethlehem, ang bayang kinaroonan ni David?”

[43] Kaya nagkaroon ng pagkabaha-bahagi ang mga tao ng dahil sa kaniya.

[44] Ang iba ay nagnais na dakpin siya ngunit walang sinumang humuli sa kaniya.

[45] Ang mga opisyal ay pumunta sa mga punong saserdote at sa mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinala?”

[46] Sumagot ang mga opisyal, “Kailanman ay walang taong nakapagsalita sa ganitong paraan katulad ng taong ito.”

[47] Sumagot sa kanila ang mga Fariseo, “Nailigaw rin ba kayo?

[48] Mayroon ba sa mga pinuno o sa mga Fariseo na sumampalataya sa kaniya?

[49] Ngunit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.”

[50] Si Nicodemo, na pumunta kay Jesus nang gabi, bilang isa sa kanila ay nagsabi sa kanila,

[51] “Hinahatulan ba ng ating Kautusan ang tao maliban na siya ay mapakinggan muna at malaman kung ano ang kaniyang ginagawa?”

[52] Sumagot sila at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba ay taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at alamin sapagkat walang propetang nagmula sa Galilea.”

[53] At ang bawat isa ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters