Skip to content
Opens in a new window

[1] “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na hindi pumapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa ngunit umaakyat sa ibang daan, siya ay magnanakaw at tulisan.

[2] Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa.

[3] Siya ay pinagbubuksan ng bantay-pintuan at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan at sila ay inaakay niya sa paglabas.

[4] Kapag nailabas na niya ang kaniyang sariling mga tupa, siya ay naglalakad sa unahan nila at ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala na nila ang kaniyang tinig.

[5] Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayo sila sa kaniya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”

[6] Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila ngunit hindi nila naunawaan kung anong mga bagay ang sinabi niya sa kanila.

[7] Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa.

[8] Ang lahat ng mga naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan subalit hindi sila dininig ng mga tupa.

[9] Ako ang pintuan. Ang sinumang makakapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas, at masusumpungan niya ang pastulan.

[10] Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban na siya ay makapagnakaw, makapatay at makapaminsala. Ako ay pumarito upang magkaroon sila ng buhay at magkaroon sila ng lubos na kasaganaan.

[11] “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay alang-alang sa mga tupa.

[12] Ngunit ang upahang lingkod at hindi pastol na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, kapag nakikita niya na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo. Kaya, ang mga tupa ay sinisila at ikinakalat ng lobo.

[13] Ang upahang lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang lingkod at hindi niya pinagmamalasakitan ang kalagayan ng mga tupa.

[14] Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at nakikilala nila ako,

[15] kung paanong ako ay kilala ng Ama at kilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay alang-alang sa mga tupa.

[16] Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawan na ito at sila rin ay dapat kong akayin. Diringgin nila ang aking tinig at magiging isang kawan at isang pastol.

[17] “Dahil dito, iniibig ako ng Ama sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito ay makuha kong muli.

[18] Walang sinumang makakaagaw nito sa akin subalit iniaalay ko ito mula sa aking sarili. Mayroon akong kapamahalaang ialay ito at mayroon akong kapamahalaang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”

[19] Kaya muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga pananalitang ito.

[20] Marami sa kanila ang nagsabi, “Siya ay may demonyo at nahihibang. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?”

[21] Sinabi ng iba, “Hindi ito mga pananalita ng isang inaalihan ng demonyo. May kapangyarihan bang makapagpamulat ng mga mata ng bulag ang demonyo?”

[22] Naganap sa Jerusalem ang Kapistahan ng Pagtatalaga, at noon ay taglamig.

[23] Si Jesus ay naglalakad sa templo sa portiko ni Solomon

[24] kaya pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi nila sa kaniya, “Hanggang kailan mo paghihintayin ang aming kaluluwa? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang tuwiran.”

[25] Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo sumampalataya. Ang mga gawa na ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang siyang nagpapatotoo patungkol sa akin.

[26] Hindi kayo sumasampalataya sapagkat hindi kayo sa aking mga tupa kagaya ng sinabi ko sa inyo.

[27] Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin.

[28] Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at hinding-hindi sila mapapahamak magpakailanman. Walang sinumang makakaagaw sa kanila mula sa aking kamay.

[29] Ibinigay sila sa akin ng aking Ama na higit na dakila sa lahat. Walang sinuman ang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama.

[30] Ako at ang Ama ay isa.”

[31] Muli ngang dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya ay batuhin.

[32] Si Jesus ay sumagot sa kanila, “Maraming mabubuting gawa ang ipinakita ko sa inyo mula sa aking Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan na binabato ninyo ako?”

[33] Ang mga Judio ay sumagot sa kaniya, na sinasabi, “Hindi ka namin binabato dahil sa mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat ginagawa mong Diyos ang iyong sarili, ikaw na tao.”

[34] Tinugon sila ni Jesus, “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan, ‘Aking sinabi, Kayo ay mga diyos’? Awi 82:6

[35] Kung sila ay tinawag niyang mga diyos, na sa pamamagitan nila ay dumating ang salita ng Diyos, at ang Kasulatan ay hindi masisira,

[36] sinasabi ba ninyo sa pinabanal ng Ama at isinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay naglalapastangan,’ dahil sinabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos’?

[37] Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag kayong sumampalataya sa akin.

[38] Ngunit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, sampalatayanan ninyo ang mga gawa upang malaman ninyo at sumampalataya kayo na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa kaniya.”

[39] Dahil dito, muli silang naghanap ng pagkakataon upang dakpin siya, kaya siya ay tumakas mula sa kanilang kamay.

[40] Pumunta siyang muli sa ibayo ng Jordan, sa lugar na dating pinagbabawtismuhan ni Juan at siya ay nanatili roon.

[41] Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi, “Totoong si Juan ay hindi gumawa ng anumang tanda, ngunit ang lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan patungkol sa taong ito ay totoo.”

[42] At marami ang sumampalataya sa kaniya roon.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters