Skip to content
Opens in a new window

[1] “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga.

[2] Ang bawat sanga na nasa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya at ang bawat sangang nagbubunga ay nililinis niya upang magbunga pa ng marami.

[3] Kayo ay malinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo.

[4] Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Kung paanong ang sanga ay hindi makakapamunga sa kaniyang sarili maliban na ito ay manatili sa puno ng ubas, hindi rin kayo makakapamunga maliban na manatili kayo sa akin.

[5] “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Siya na nananatili sa akin at ako sa kaniya, siya ay magbubunga nang sagana sapagkat kung hiwalay kayo sa akin hindi kayo makakagawa ng anuman.

[6] Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya ay itinatapon sa labas katulad ng sanga at ito ay natutuyo. Kanilang tinitipon ang mga iyon at itinatapon sa apoy kaya ang mga ito ay nasusunog.

[7] Kung kayo ay manatili sa akin at ang aking mga salita ay manatili sa inyo, hihilingin ninyo ang anumang inyong nanaisin at ito ay mangyayari sa inyo.

[8] Sa ganito naluluwalhati ang aking Ama upang kayo ay makakapamunga ng sagana at kayo ay magiging aking mga alagad.

[9] “Kung paanong inibig ako ng Ama ay inibig ko rin kayo. Manatili kayo sa aking pag-ibig.

[10] Kung matupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.

[11] “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay manatili sa inyo at upang ang inyong kagalakan ay malubos.

[12] Ito ang aking utos upang mag-ibigan kayo sa isa't isa kagaya ng pag-ibig ko sa inyo.

[13] Walang sinumang nagtataglay ng pag-ibig na higit pa sa pag-ibig na ito, na may isang nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.

[14] Kayo ay aking mga kaibigan kung nagagawa ninyo ang anumang iniuutos ko sa inyo.

[15] Mula ngayon, hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag ko na kayong mga kaibigan sapagkat lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay aking ipinaalam sa inyo.

[16] Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo upang kayo ay humayo at mamunga, at ang inyong bunga ay manatili upang anumang bagay ang inyong hihilingin sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.

[17] Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa't isa.

[18] “Kung kinamumuhian kayo ng sangkatauhan, alam ninyo na kinamuhian na ako nito bago pa man kayo.

[19] Kung kayo ay sa sanlibutan, mamahalin ng sanlibutan ang sariling kaniya. Subalit yamang kayo ay hindi sa sanlibutan, sa halip, kayo ay mga hinirang ko mula sa sanlibutan, kaya kinamumuhian kayo ng sangkatauhan.

[20] Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit kaysa sa kaniyang panginoon.’ Kung ako ay kanilang pinagmalupitan, pagmamalupitan din nila kayo. Kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang sa inyo.

[21] Gayunpaman, ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa pangalan ko sapagkat siya na nagsugo sa akin ay hindi nila kilala.

[22] Kung hindi ako pumarito at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Ngunit ngayon ay wala na silang maikakatwiran patungkol sa kanilang kasalanan.

[23] Siya na namumuhi sa akin ay namumuhi rin sa aking Ama.

[24] Kung hindi ko ginawa sa kanila ang mga gawaing hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Ngunit ngayon ay nakita nila ang mga gawain, kaya kinamuhian nila ako at ang aking Ama

[25] upang matupad ang salita na nasusulat sa kanilang Kautusan, ‘Kinamuhian nila ako ng walang dahilan.’ Awi 35:19; 69:4

[26] “Ngunit kapag dumating ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na magmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo patungkol sa akin.

[27] Kayo rin ay nagpapatotoo sapagkat mula sa simula, kasama ko na kayo.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters