Skip to content
Opens in a new window

[1] Saan nagmula ang mga digmaan at mga pag-aaway-away sa inyo? Hindi ba ang mga ito ay nagmula sa inyong mga makalamang pagnanasa na lumalaban sa mga bahagi ng inyong katawan?

[2] Kayo ay masidhing nagnanasa ngunit hindi kayo nagkakaroon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot ngunit hindi kayo nagkakamit. Kayo ay nag-aaway-away at naglalabanan ngunit hindi kayo nagkakaroon dahil hindi kayo humihiling.

[3] Kayo ay humihiling ngunit kayo ay hindi nakakatanggap dahil masama ang inyong hinihiling upang gamitin ninyo sa inyong mga layaw.

[4] Kayong mga lalaking mangangalunya at mga babaing mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alitan sa Diyos? Kaya ang sinumang magnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay itinatakdang kaaaway ng Diyos.

[5] O ipinapalagay ba ninyo na walang kabuluhan itong sinasabi ng Kasulatan, “Ang Espiritung nananahan sa atin ay nananabik na may paninibugho”?

[6] Ngunit siya ay nagbibigay ng higit na biyaya kung kaya sinasabi niya, “Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas, ngunit siya ay nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.” Kaw 3:34

[7] Kaya magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at siya ay tatakas mula sa inyo.

[8] Lumapit kayo sa Diyos at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip.

[9] Magdalamhati kayo, magluksa kayo at tumangis kayo. Hayaan ninyong mapalitan ng pagluluksa ang inyong pagtawa at ng kalungkutan ang kagalakan.

[10] Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at kayo ay kaniyang itataas.

[11] Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita ng masama laban sa kapatid at humahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. At kung hinahatulan mo ang kautusan, ikaw ay hindi tagatupad ng kautusan kundi tagapaghatol.

[12] Mayroong isang tagapagbigay ng kautusan, siya ang makakapagligtas at makakalipol. Sino ka na humahatol sa iba?

[13] Halikayo ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o kaya bukas, kami ay pupunta sa gayong lungsod at mananatili kami roon ng isang taon at kami ay mamimili at maglalako at magkakaroon ng tubo,”

[14] yamang hindi ninyo nalalaman ang kinabukasan. Sapagkat ano ba ang iyong buhay? Ito nga ay isang singaw na sa maikling sandali ay lumilitaw, ngunit pagkatapos ay kaagad na naglalaho.

[15] Sa halip, ito ang dapat ninyong sabihin, “Kapag niloob ng Panginoon, kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”

[16] Ngunit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng ganitong pagmamalaki ay masama.

[17] Kaya, siya na nakaalam na ng paggawa ng mabuti at hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.

Ang Sulat Ni Santiago — Chapters