Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga kapatid ko, huwag ninyong taglayin na may pagtangi ng mga tao ang pananampalatayang nasa Panginoong Jesu-Cristo, na Panginoon ng kaluwalhatian.

[2] Sapagkat kapag may isang taong papasok sa inyong kapulungan na may gintong singsing at may marangyang kasuotan, at mayroon ding isang taong dukha na papasok na may maruming kasuotan,

[3] at inyong titingnan yaong may marangyang kasuotan at sasabihin sa kaniya, “Maupo ka rito sa magandang upuan” ngunit sa taong dukha ay sasabihin mo, “Tumayo ka roon” o “Maupo ka rito sa tabi ng tuntungan ng aking paa,”

[4] hindi ba kayo nagtatangi sa inyong mga sarili at naging mga tagapaghatol na may masasamang kaisipan?

[5] Minamahal kong mga kapatid, makinig kayo. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayaman sa pananampalataya at tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa kanila na umiibig sa kaniya?

[6] Ngunit ang dukha ay hinamak ninyo. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang mga kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?

[7] Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?

[8] Gayunpaman, kung tinutupad ninyo ang makaharing kautusan ayon sa Kasulatan, na nagsasabi, “Iibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili,” Lev 19:18 mabuti ang inyong ginagawa.

[9] Subalit kung kayo ay nagtatangi ng mga tao, kayo ay nagkakasala at inilalantad ng kautusan bilang mga tagapaglabag,

[10] sapagkat ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit nagkakasala sa isa ay nagiging maysala na sa lahat.

[11] Dahil siya na nagsasabi, “Huwag kang makiapid,” Exo 20:14; Deu 5:18 ay nagsasabi rin, “Huwag kang pumatay.” Exo 20:13; Deu 5:17 Ngayon, kung ikaw ay hindi nakikiapid ngunit ikaw ay pumapatay, ikaw ay naging tagapaglabag ng kautusan.

[12] Magsalita kayo ng gayon at gumawa ng gayon, katulad sa kanila na hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan

[13] sapagkat ang hatol ay walang habag sa kaniya na nagkait ng habag at ang habag ay nananaig laban sa paghatol.

[14] Mga kapatid ko, ano ang pakinabang kapag sabihin ng sinuman na siya ay may pananampalataya ngunit wala siyang mga gawa? Ang pananampalataya bang ito ang makakapagligtas sa kaniya?

[15] At kapag ang isang kapatid na lalaki o babae ay maging hubad, o maaring magkulang ng pagkain sa araw-araw,

[16] at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayo nang payapa, hayaang kayo ay mainitan at mabusog,” ngunit hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang pakinabang nito?

[17] Gayundin ang pananampalataya, ito mismo ay patay kapag wala itong mga gawa.

[18] Ngunit may taong magsasabi, “Ikaw ay may pananampalataya at ako ay may mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na wala ang iyong mga gawa at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.

[19] Ikaw ay sumasampalataya na may isang Diyos. Mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo rin ay sumasampalataya at nanginginig.

[20] Ngunit ikaw na taong walang kabuluhan, ninanais mo bang malaman na ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay?

[21] Hindi ba ang ating amang si Abraham ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa nang inihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac?

[22] Nakikita mo ba na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa?

[23] At natupad ang Kasulatan na nagsasabi, “At si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran” Gen 15:6 at siya ay tinawag na kaibigan ng Diyos.

[24] Kaya ngayon ay nakikita ninyo na ang tao ay pinapawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

[25] Gayundin naman, hindi ba si Rahab na patutot ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa, nang tinanggap niya ang mga sugo at sila ay pinalabas sa ibang daan?

[26] Sapagkat kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.

Ang Sulat Ni Santiago — Chapters