Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya kung kayo ay ibinangon na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan si Cristo ay nakaupo sa bahaging kanan ng Diyos.

[2] Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas at hindi sa mga bagay na nasa lupa

[3] sapagkat kayo ay namatay na at ang buhay ninyo ay itinago na kasama ni Cristo sa Diyos.

[4] Kapag si Cristo na ating buhay ay mahayag, gayundin naman kayo ay mahahayag na kasama niya sa kaluwalhatian.

[5] Kaya patayin ninyo ang inyong mga bahagi na makalupa, ito ay ang pakikiapid, karumihan, pita ng laman, masamang-nasa at kasakiman na siyang pagsamba sa diyos-diyosan.

[6] Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway,

[7] kung saan ay minsan din naman kayong lumakad nang kayo ay namumuhay sa ganitong mga bagay.

[8] Ngunit ngayon ay hubarin din ninyo ang lahat ng mga ito: poot, labis na galit, kasamaan, paglapastangan, malalaswang salita na mula sa inyong bibig.

[9] Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao kasama ang mga gawain nito.

[10] At isuot ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalaman ayon sa wangis niya na lumikha sa kaniya,

[11] kung saan ay wala ng pagkakaiba ang Griyego at Judio, ang pagtutuli at hindi pagtutuli, ang barbaro, Scita, alipin o malaya, sa halip ay si Cristo ang lahat at nasa lahat.

[12] Kaya, bilang mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo ang kalooban na mahabagin, kabutihan, kapakumbabaan, kaamuan at pagtitiis.

[13] Magbatahan kayo sa isa't isa at magpatawaran kayo sa isa't isa, kapag ang sinuman ay mayroong hinaing laban sa kaninuman, kung paanong kayo ay pinatawad ni Cristo, gayundin kayo magpatawad.

[14] Ngunit higit sa lahat ng mga bagay na ito, isuot ninyo ang pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging-ganap.

[15] At hayaan ninyong maghari ang kapayapaan ng Diyos sa inyong mga puso, kung saan kayo ay tinawag din sa isang katawan, kaya kayo ay maging mapagpasalamat.

[16] Hayaan ninyo na ang salita ni Cristo ay manahan sa inyo nang may kasaganaan sa lahat ng karunungan, sa pagtuturo at sa pagpapaalala sa bawat isa sa mga salmo, sa mga himno at sa mga awiting espirituwal. Umawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Panginoon.

[17] At anuman ang inyong mga gagawin, sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Diyos at Ama sa pamamagitan niya.

[18] Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa sa paraang karapat-dapat sa Panginoon.

[19] Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong mga asawa at huwag sumama ang inyong loob sa kanila.

[20] Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay sapagkat ito ay nakakalugod sa Panginoon.

[21] Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak upang hindi sila panghinaan ng loob.

[22] Mga alipin, sundin ninyo sa lahat ng mga bagay ang inyong mga panginoon ayon sa laman, hindi sa paglilingkod kung may nakatingin kagaya ng mga mapagbigay-lugod sa tao, kundi sa katapatan ng puso na may takot sa Diyos.

[23] At anuman ang inyong mga gagawin, gawin ninyo nang buong puso na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao,

[24] yamang nalalaman ninyo na kayo ay tatanggap ng gantimpala ng pamana mula sa Panginoon dahil ang inyong pinaglilingkuran ay ang Cristong Panginoon.

[25] Ngunit siya na gumagawa ng masama ay tatanggap ng kabayaran sa kasamaang ginawa niya sapagkat walang itinatangi ang Diyos.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Colosas — Chapters