[1] Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagpapakasakit para sa inyo, at sa mga taga-Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan
[2] upang mapasigla ang kanilang mga puso, na magkaisa sa pag-ibig at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiyakan ng pang-unawa sa kaalaman ng hiwaga ng Diyos at Ama, at ni Cristo,
[3] na sa kaniya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.
[4] Sinasabi ko ito upang huwag kayong madaya ng sinuman sa pamamagitan ng mapang-akit na salita.
[5] Sapagkat bagaman ako ay wala sa inyo sa laman, gayunpaman, ako ay kasama ninyo sa espiritu, na nagagalak at nagmamasid sa inyong kaayusan at sa katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.
[6] Kaya kung paano ninyo tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon ay lumakad kayo ng gayon sa kaniya,
[7] na mga nakaugat at mga nakatayo sa kaniya at mga nakatatag sa pananampalataya ayon sa itinuro sa inyo, na nag-uumapaw sa pasasalamat.
[8] Mag-ingat kayo, upang walang sinumang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at ng walang kabuluhang panlilinlang ayon sa kaugalian ng mga tao, ayon sa mga pangsaligang-katuruan ng sanlibutan at hindi ayon kay Cristo
[9] sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos,
[10] at kayo ay ganap na sa kaniya na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapamahalaan.
[11] Sa kaniya kayo rin ay tinuli sa pagtutuli na hindi gawa ng mga kamay, sa paghubad ng katawan ng mga kasalanan sa laman, sa pamamagitan ng pagtutuli na na kay Cristo
[12] nang kayo ay inilibing na kasama niya sa bawtismo, kung saan kayo rin ay kasamang ibinangon mula sa mga patay sa pamamagitan ng pananampalataya, sa paggawa ng Diyos na siyang bumuhay sa kaniya mula sa mga patay.
[13] At kayo, na mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at sa hindi pagtutuli ng inyong laman, ay sama-samang binuhay na kasama niya nang ipinatawad sa inyo ang lahat ninyong mga pagsalangsang.
[14] Binura niya ang sulat-kamay sa mga batas na laban sa atin, na salungat sa atin, at inalis na niya ito sa kalagitnaan sa pamamagitan ng pagpako nito sa krus.
[15] Yamang kaniyang hinubaran ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga kapamahalaan, inilantad niya ang mga ito ng hayagan, sa pamamagitan nito ay nagtagumpay siya sa kanila.
[16] Kaya huwag ninyong hayaang hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pakikibahagi sa kapistahan, o sa bagong buwan, o sa mga araw ng Sabat.
[17] Ang mga ito ay anino ng mga bagay na darating ngunit ang katawan ay kay Cristo.
[18] Huwag ninyong hayaan na ang inyong gantimpala ay dayain ng sinumang nagnanais ng pagpapakumbaba at ng pagsamba sa mga anghel, na nanghihimasok sa mga bagay na hindi niya nakita, na nagmamalaki ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang isipang makalaman
[19] at hindi humahawak sa ulo, na sa kaniya ang buong katawan ay lumalago sa pagpalago ng Diyos sa pamamagitan ng itinutustos at inihuhugpong sa mga kasukasuan at mga litid.
[20] Kung kayo nga ay namatay na kasama ni Cristo mula sa mga pangsaligang-katuruan ng sanlibutan, bakit namumuhay pa kayo sa pamamaraan ng sanlibutan? Saklaw ba kayo ng mga batas,
[21] “Hindi ka dapat humawak, hindi ka dapat tumikim, hindi ka dapat humipo”?
[22] Sa maling paggamit, ang lahat ng mga ito ay patungo sa pagkabulok. Ang mga utos at mga aral na ito ay ayon sa mga tao.
[23] Ang mga bagay na ito ay kapahayagan nga ng pagkakaroon ng karunungan sa pagsambang itinakda ng sarili, huwad na pagpapakumbaba at sa pagpapahirap sa katawan na walang anumang halaga para sa kasiyahan ng laman.