[1] Si Pablo, ang apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si kapatid na Timoteo,
[2] sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas, sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa ating Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
[3] Nagpapasalamat kami sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa aming palaging pananalangin patungkol sa inyo,
[4] sapagkat narinig namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,
[5] dahil sa pag-asang nakalaan para sa inyo sa kalangitan na una ninyong narinig sa salita ng katotohanan ng ebanghelyo.
[6] Dumating ito sa inyo, katulad din sa pagdating nito sa buong sanlibutan, at ito ay nagbunga, katulad din sa inyo, mula nang araw na inyong narinig at nalaman ang biyaya ng Diyos sa katotohanan,
[7] ayon din sa inyong natutunan kay Epafras, ang minamahal naming kapwa alipin na tapat na tagapaglingkod ni Cristo alang-alang sa inyo.
[8] Siya rin ang nagpahayag sa amin ng inyong pag-ibig sa Espiritu.
[9] Dahil dito, mula nang araw na narinig namin ito, kami rin ay hindi tumigil sa pananalangin para sa inyo at humihiling na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at sa espirituwal na pang-unawa,
[10] upang lumakad kayong karapat-dapat sa Panginoon sa lahat ng kaluguran, na nagbubunga ng bawat gawang mabuti at lumalago sa kaalaman ng Diyos.
[11] At upang kayo ay mapalakas sa lahat ng kapangyarihan ayon sa kaniyang maluwalhating kalakasan para sa lahat ng pagtitiis at sa pagtitiyaga na may kagalakan,
[12] upang magpasalamat kayo sa Ama na siyang gumawa sa atin para maging karapat-dapat na kabahagi ng nakatalagang mana ng mga banal sa kaliwanagan.
[13] Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin sa paghahari ng kaniyang mahal na Anak,
[14] na sa kaniya ay mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan.
[15] Siya ang wangis ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng nilikha,
[16] sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng mga bagay sa kalangitan at sa lupa, mga bagay na nakikita at hindi nakikita, ito man ay mga trono, o mga pagkapanginoon, o mga pamumuno, o mga pamamahala. Ang lahat ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.
[17] At siya ang una sa lahat at sa pamamagitan niya ay nananatiling buo ang lahat.
[18] Siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya, siya ang simula, ang panganay mula sa mga patay upang siya ang maging kataas-taasan sa lahat.
[19] Sapagkat ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahan sa kaniya,
[20] at sa pamamagitan niya ay maipagkasundo ang lahat sa kaniyang sarili, kahit ito man ay sa ibabaw ng lupa o sa kalangitan, sa pamamagitan ng paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo na nabuhos sa krus.
[21] At kayo ay dating mga banyaga at mga kaaway ng Diyos dahil sa inyong pag-iisip sa pamamagitan ng masasamang gawa, ngunit ngayon ay ipinagkasundo niya
[22] sa katawan ng kaniyang laman sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan upang kayo ay iharap na banal, walang kapintasan at walang maipaparatang sa kaniyang paningin,
[23] kung kayo nga ay nananatiling matatag at matibay sa pananampalataya at hindi natitinag mula sa pag-asa ng ebanghelyo, na inyong narinig, na ipinangaral sa bawat nilalang sa silong ng langit, na akong si Pablo ay naging tagapaglingkod.
[24] Ako ngayon ay nagagalak sa aking mga paghihirap para sa inyo, at aking ginaganap sa aking katawan ang mga hinihingi ng mga paghihirap ni Cristo para sa kaniyang katawan, ang iglesiya.
[25] Dahil dito, ako ay naging tagapaglingkod ayon sa pangangasiwa na ibinigay ng Diyos sa akin para sa inyo upang matupad ang salita ng Diyos,
[26] ang hiwagang itinago mula sa mga kapanahunan at mula sa mga saling lahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa kaniyang mga banal.
[27] Sa kanila ay nilayon ng Diyos na ipakilala kung ano ang kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa mga Gentil, ang Cristo na nasa inyo, ang pag‑asa ng kaluwalhatian.
[28] Siya ang aming ipinahahayag, na binibigyan ng babala ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao sa lahat ng karunungan upang maiharap naming sakdal ang bawat tao kay Cristo Jesus.
[29] Dahil dito, ako rin ay nagpapagal at nagsisikap ayon sa kaniyang paggawa na gumagawa na may kapangyarihan sa akin.