[1] Ang Matanda, Sa minamahal na Gayo na aking iniibig sa katotohanan.
[2] Minamahal, hinahangad ko na sumagana ka sa lahat ng mga bagay at maging malusog tulad ng pinasasagana ang iyong kaluluwa.
[3] Sapagkat labis akong nagalak sa pagdating ng mga kapatid at sa pagpapatotoo patungkol sa katotohanan na nasa iyo, kung paano ka lumalakad sa katotohanan.
[4] Wala nang higit pang kagalakang mayroon ako na aking marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
[5] Minamahal, buong katapatan mong ginagawa ang anuman kapag ginagawa mo ang mga ito sa mga kapatid at sa mga dayuhan.
[6] Sila ang nagpatotoo sa iyong pag-ibig sa harap ng iglesiya. Yaong gagawin mong pagpapahayo sa kanila na karapat-dapat sa Diyos ay mabuti
[7] sapagkat alang-alang sa kaniyang pangalan, sila ay humayo na walang kinuhang anuman sa mga Gentil.
[8] Kaya nga, dapat nating tanggapin ang mga katulad nila upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.
[9] Sumulat ako sa iglesiya, ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na nagnanais na maging pinakamataas sa kanila.
[10] Dahil dito, kapag ako ay makapariyan, ipapaalala ko ang mga gawa na kaniyang ginagawa, ang masasamang salita na kaniyang ipinaratang patungkol sa amin. At hindi pa siya nasiyahan sa mga ito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid at pinagbabawalan yaong mga nagnanais tumanggap sa kanila at itinataboy sila mula sa iglesiya.
[11] Minamahal, huwag ninyong tularan ang masama kundi ang mabuti. Siya na gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos, ngunit siya na gumagawa ng masama ay hindi pa nakakakita sa Diyos.
[12] Maganda ang patotoo ng lahat patungkol kay Demetrio at ito ay sa pamamagitan mismo ng katotohanan. At kami rin ay nagpapatotoo at alam ninyo na ang aming patotoo ay totoo.
[13] Maraming mga bagay akong isusulat ngunit hindi ko ninanais na sumulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat.
[14] Gayunpaman umaasa ako na makikita kita kaagad at mag-uusap tayo ng harapan. Kapayapaan ang sumaiyo. Binabati ka ng ating mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan ayon sa kanilang pangalan.