[1] Si Judas, ang alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa kanila na mga pinaging-banal na ng Diyos Ama at mga iningatan na ni Jesu-Cristo at sa mga tinawag.
[2] Sumagana nawa sa inyo ang kahabagan at ang kapayapaan at ang pag-ibig.
[3] Mga minamahal, habang ginagawa ko nang buong pagsisikap na sumulat sa inyo patungkol sa kaligtasang para sa lahat, kinakailangan na ako ay sumulat sa inyo upang pagtagubilinan kayo na masigasig ninyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkatiwalang minsanan sa mga banal
[4] sapagkat ang ilang tao ay lihim na pumasok, na isinulat na noong una patungo sa kahatulang ito, mga taong hindi makadiyos, na ang biyaya ng ating Diyos ay pinapalitan nila ng kahalayan at ipinagkakaila nila ang natatanging Panginoong Diyos at ating Panginoong Jesu-Cristo.
[5] Kaya ninanais ko na ipaalala sa inyo kahit ito ay nalaman na ninyo minsan, sapagkat pagkatapos iligtas ng Panginoon ang kaniyang bayan mula sa lupain ng Egipto, sa ikalawang pagkakataon ay kaniyang nilipol yaong mga hindi sumampalataya.
[6] At ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang simula, sa halip ay iniwan ang kanilang sariling dakong pinananahanan, ay inilaan na ng Diyos sa walang hanggang pagkabilanggo sa ilalim ng kadiliman para sa dakilang araw ng paghuhukom.
[7] Kung paanong ang Sodoma at Gomora at sa kanilang mga kalapit na lungsod, na sa gayun ding paraan ay nagpakabuyo sila sa pakikiapid at sinundan ang mahalay na pagnanasa sa ibang laman, ay inilagay na halimbawa sa atin nang sila ay dumanas ng parusa ng apoy na walang hanggan.
[8] Gayundin naman, ang mga tao ring ito na nananaginip ay totoong dinudungisan ang kanilang katawan at tinatanggihan ang mga kapamahalaan at nilalait ang mga maluwalhating nilalang.
[9] Ngunit nang si arkanghel Miguel ay nakikipaglaban sa diyablo at nakikipagtalo patungkol sa bangkay ni Moises, hindi siya naglakas-loob na magbigay ng mapanglait na hatol. Sa halip ay sinabi niya, “Ang Panginoon nawa ang sumaway sa iyo.”
[10] Subalit nilalait ng mga taong ito ang anumang bagay na totoong hindi nila nalalaman. Ngunit ang anumang bagay na kanilang nauunawaan ay ginagamit nila sa kanilang sariling kasiraan katulad ng mga hayop na walang likas na katwiran.
[11] Sa aba nila! Sapagkat sila ay lumakad sa landas ni Cain, at sila ay nagmadali na may kasakiman sa kabayarang salapi sa matinding pandaraya ni Balaam at sila ay nilipol sa paghihimagsik ni Core.
[12] Ang mga taong ito ay mga batik sa inyong pagsasalu-salo sa hapag ng pag-ibig habang nakikisalo silang kasama ninyo na walang takot na pinangangalagaan ang kanilang sarili. Sila ay mga ulap na walang tubig na dinadala ng mga hangin. Sila ay mga punongkahoy na tuyot ang mga bunga, hindi mabungahin, dalawang ulit nang namatay at binunot na nakalabas ang ugat.
[13] Sila ay mga nagngangalit na alon ng dagat na pinapaapaw na parang bula ang kanilang sariling kahihiyan. Sila ay mga bituing naliligaw na sa kanila ay inilaan na magpakailanman ang kapanglawan ng kadiliman.
[14] Ngunit naghayag din sa kanila si Enoc, na ikapitong henerasyon mula kay Adan, na sinasabi, “Narito, ang Panginoon ay dumarating na kasama ang kaniyang hindi mabilang na mga banal
[15] upang isagawa ang hatol laban sa lahat at upang ang lahat ng mga hindi makadiyos na nasa kanila ay usiging lubos patungkol sa lahat ng kanilang mga gawaing hindi makadiyos na kanilang ginawa sa paraang hindi makadiyos, at patungkol sa lahat ng malulupit na pananalita laban sa Diyos na sinasabi ng mga makasalanang hindi makadiyos.”
[16] Ang mga taong ito ay madaing at maangal na lumalakad ayon sa kanilang masasamang pagnanasa, at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pinalaking salita na nagbibigay ng pakunwaring papuri sa harap ng mga tao dahil sa pakinabang.
[17] Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salita na noong una pa ay ipinahayag na sa inyo ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
[18] kung paanong sinasabi nila sa inyo na sa huling panahon ay magkakaroon ng mga manunuya na lumalakad ayon sa masasamang pagnanasa ng mga hindi makadiyos.
[19] Ang mga ito ay yaong mga lumilikha ng pagkabaha-bahagi, mga makalaman at hindi nila tinataglay ang Espiritu.
[20] Ngunit kayo, mga minamahal, sa inyong pagpapatatag ng inyong sarili sa kabanal-banalang pananampalataya, manalangin kayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
[21] Panatilihin ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos habang kayo ay naghihintay ng kahabagan ng ating Panginoong Jesu-Cristo patungo sa buhay na walang hanggan.
[22] At sila na nag-aalinlangan ay inyong kahabagan,
[23] at ang iba ay sagipin ninyo ng may banal na pagkatakot. Agawin ninyo sila mula sa apoy at kamuhian ninyo ang tunika na nadungisan ng laman.
[24] At sa Diyos na makakapag-ingat sa inyo mula sa pagkakatisod at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan na may malaking galak sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian,
[25] sa nag-iisang marunong na Diyos na ating Tagapagligtas, sa kaniya ang kaluwalhatian at ang kadakilaan, ang kapangyarihan at kapamahalaan ngayon at magpakailanman. Siya nawa!