Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang Matanda, sa hinirang na ginang at sa kaniyang mga anak na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako kundi ang lahat din ng nakaalam na ng katotohanan,

[2] alang-alang sa katotohanang nananatili sa atin at mamamalagi sa atin magpakailanman:

[3] Sumainyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama sa katotohanan at sa pag-ibig.

[4] Labis akong nagalak dahil nakita ko na ang iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa tinanggap nating utos mula sa Ama.

[5] At ngayon, ako ay nakikiusap sa iyo, ginang, hindi sa waring sumusulat ako sa iyo ng isang bagong utos kundi yaong tinataglay natin mula sa simula na tayo ay mag-ibigan sa isa't isa.

[6] At ito ang pag-ibig, na tayo ay lumakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos na siyang dapat ninyong lakaran ayon sa inyong narinig mula sa simula.

[7] Sapagkat maraming mga manlilinlang ang pumarito sa sanlibutan, sila yaong mga hindi nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay pumarito na nagkatawang-tao. Ito ang manlilinlang at ang anticristo.

[8] Ingatan ninyo ang inyong mga sarili upang huwag mawala sa atin ang mga bagay na ating pinagpagalan kundi upang matanggap natin ang buong gantimpala.

[9] Ang bawat sumasalangsang at hindi nananatili sa katuruan ni Cristo ay walang Diyos. Siya na nananatili sa katuruan ni Cristo ay nasa kaniya kapwa ang Ama at ang Anak.

[10] Kung ang sinuman ay dumating sa inyo at hindi dinadala ang katuruang ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong bahay at huwag ninyo siyang batiin nang may kagalakan,

[11] sapagkat siya na bumabati sa kaniya nang may kagalakan ay nakikibahagi sa kaniyang masasamang gawa.

[12] Bagaman ako ay maraming mga bagay na isusulat sa inyo, hindi ko ninais sumulat sa pamamagitan ng papel at tinta, sa halip ay umaasa akong makapunta sa inyo at makausap kayo ng harapan upang malubos ang ating kagalakan.

[13] Binabati ka ng mga anak ng kapatid mong babaing hinirang. Siya nawa.