[1] Sa katapus-tapusan, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na maipalaganap at maluwalhati kung paano rin ito niluwalhati sa inyo,
[2] at upang kami ay mailigtas mula sa mga taong liko at masama sapagkat hindi lahat ng mga tao ay mayroong pananampalataya.
[3] Ngunit matapat ang Panginoon na siyang magpapatatag sa inyo at mag-iingat sa inyo mula sa masama.
[4] At kami ay nagtiwala sa Panginoon patungkol sa inyo na ang aming iniutos sa inyo ay ginagawa naman ninyo at gagawin din ninyo.
[5] At ang Panginoon nawa ang magpatnubay sa inyong mga puso patungo sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis para kay Cristo.
[6] Ngayon, mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kayo ay humiwalay sa bawat kapatid na namumuhay nang wala sa kaayusan at hindi ayon sa katuruan na tinanggap niya mula sa amin,
[7] sapagkat kayo mismo ang nakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan dahil hindi kami namuhay nang wala sa kaayusan sa kalagitnaan ninyo.
[8] Hindi rin kami kumain ng tinapay ng sinuman na walang bayad, kundi sa pagpapagal at pagpapagod sa gabi at sa araw ay gumagawa kami upang hindi kami maging pasanin sa sinuman sa inyo,
[9] hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay naming huwaran ang aming sarili sa inyo nang sa gayon ay tularan ninyo kami.
[10] Dahil kahit nang kasama ninyo kami ay iniutos namin sa inyo na kung ang sinuman ay hindi nagnanais na magtrabaho, huwag din siyang kumain
[11] sapagkat ibinalita sa amin na ang ilan sa inyo ay namumuhay nang wala sa kaayusan, na hindi man lang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok.
[12] Ngunit sa mga katulad nila ay aming iniuutos at isinasamo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na sila ay gumawa nang tahimik upang sila ay makakain ng sarili nilang pagkain.
[13] Subalit kayo, mga kapatid, huwag manghina ang inyong loob sa paggawa ng mabuti.
[14] At kung ang sinuman ay hindi sumusunod sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, tandaan ninyo ang taong iyon at huwag kayong makihalubilo sa kaniya upang siya ay mapahiya.
[15] Gayunpaman, siya ay huwag ninyong ituring na kaaway, sa halip ay pagpayuhan ninyo siya bilang kapatid.
[16] Ngayon, ang Panginoon mismo ng kapayapaan ang magbigay nawa sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon sa bawat paraan. Ang Panginoon ay sumainyong lahat.
[17] Ako si Pablo, ito ang pagbati ko sa pamamagitan ng aking kamay na siyang lagda sa bawat sulat ko. Ganito ako nagsusulat.
[18] Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.