[1] Si Pablo at si Silvano at si Timoteo, sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesu-Cristo,
[2] sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
[3] Mga kapatid, kami ay dapat palaging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo yamang ito ay nararapat sapagkat ang inyong pananampalataya ay lubos na lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyong lahat para sa isa't isa ay sumasagana.
[4] Kung kaya kami sa aming sarili ay ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa kabila ng lahat ng mga pagmamalupit sa inyo at mga paghihirap na inyong tinitiis.
[5] Ito ang katibayan ng makatarungang paghatol ng Diyos upang kayo ay ibilang na karapat-dapat sa paghahari ng Diyos, kaya dahil dito ay nagtitiis din kayo
[6] yamang makatarungan para sa Diyos na gantihan ng paghihirap yaong mga nagpapahihirap sa inyo.
[7] At sa inyo na mga pinapahirapan ay bibigyan ng kapahingahan kasama namin sa kapahayagan ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ng kaniyang mga makapangyarihang anghel.
[8] Sa kanilang hindi na kumilala sa Diyos at sa kanila na hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay ibinibigay sa paghihiganti sa pamamagitan ng lagablab ng apoy.
[9] Sila ay parurusahan sa walang hanggang kapahamakan mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan
[10] kapag siya ay makarating sa Araw na iyon, upang luwalhatiin ng kaniyang mga banal at kamanghaan ng lahat niyaong mga sumasampalataya sapagkat ang patotoo namin sa inyo ay inyong pinaniwalaan.
[11] Dahil dito, kami rin ay palaging nananalangin para sa inyo upang kayo ay maibilang na karapat-dapat sa pagkatawag ng ating Diyos at maganap ang bawat mabuting kaluguran sa kaniyang kabutihan at ang gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,
[12] upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.