Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngayon, mga kapatid, dahil sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, kami ay nakikiusap sa inyo

[2] na huwag kayong madaling matinag sa pag-iisip, o maguluhan sa pamamagitan ng espiritu, ni sa pamamagitan ng salita, ni sa pamamagitan ng sulat na para bang nanggaling sa amin, na para bang ang araw ni Cristo ay naririto na.

[3] Huwag kayong padaya sa sinuman sa pamamagitan ng anumang paraan sapagkat iyon ay hindi makakarating maliban na mangyari muna ang paglisan at mahayag ang tao ng kasalanan, ang anak ng kapahamakan.

[4] Siya ang sasalungat sa Diyos at ang magtataas sa kaniyang sarili nang higit sa lahat na tinatawag na diyos o anumang sinasamba upang siya ay umupo bilang Diyos sa banal na dako ng templo ng Diyos na ipinapakita ang kaniyang sarili na siya ay Diyos.

[5] Hindi ba ninyo naaalala na ang mga bagay na ito ay sinasabi ko sa inyo habang ako ay kasama pa ninyo?

[6] At ngayon ay alam ninyo kung sino ang pumipigil upang siya ay mahayag sa kaniyang sariling panahon

[7] sapagkat ang hiwaga ng hindi pagkilala sa kautusan ay gumagawa na. Siya lamang na pumipigil ngayon ay pipigil hanggang sa siya ay maalis mula sa daan.

[8] At pagkatapos nito, ang hindi kumikilala sa kautusan ay ihahayag, na siyang pupuksain ng Panginoon sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig at magpapawalang-bisa sa kaningningan ng kaniyang pagdating,

[9] kahit ang kaniyang pagdating ay ayon sa paggawa ni Satanas sa pamamagitan ng lahat ng makapangyarihang gawa at ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ng kasinungalingan

[10] at sa lahat ng pandaraya ng kalikuan sa kanila na mga napapahamak sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan upang sila ay maligtas.

[11] At dahil dito, ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng makapangyarihang panlilinlang upang sila ay maniwala sa kasinungalingan,

[12] nang sa gayon ay mahatulan ang lahat niyaong mga hindi naniwala sa katotohanan kundi nalugod sa kalikuan.

[13] Ngunit kami, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, ay dapat palaging nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat kayo ay pinili ng Diyos mula sa simula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan,

[14] kung saan ay tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo upang inyong matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

[15] Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruan na itinuro sa inyo, sa pamamagitan man ng salita o sa pamamagitan man ng aming sulat.

[16] Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang ating Diyos at Ama, na siyang nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,

[17] ang magbigay nawa ng kaaliwan sa inyong mga puso at magpatatag nawa sa inyo sa lahat ng mabuting salita at gawa.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Tesalonica — Chapters