[1] Ang bawat isang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo, siya ay ipinanganak na mula sa Diyos, at ang bawat isang umiibig sa kaniya na pinagmulan ng kapanganakan ay umiibig din sa ipinanganak na mula sa Diyos.
[2] Sa pamamagitan nito ay nalalaman natin na iniibig natin ang mga anak ng Diyos kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kaniyang mga utos,
[3] sapagkat ito ang pag-ibig ng Diyos, upang ating tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga utos ay hindi mabigat.
[4] Dahil ang bawat isang ipinanganak mula sa Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan, at ito ang pagtatagumpay ng isang matagumpay sa sanlibutan: ang ating pananampalataya.
[5] Sino ang mapagtagumpay sa sanlibutan? Hindi ba siya na sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
[6] Siya itong pumarito sa pamamagitan ng tubig at dugo, si Jesus, ang Cristo na pumarito hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. At ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
[7] May tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, ang Banal na Espiritu. Ang tatlong ito ay isa.
[8] At may tatlong nagpapatotoo sa lupa, ang Espiritu, ang tubig at ang dugo. Ang tatlong ito ay nagkakaisa.
[9] Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, higit pa ang patotoo ng Diyos sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na pinatotohanan na niya patungkol sa kaniyang Anak.
[10] Siya na sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoo sa kaniyang sarili. Siya na hindi sumasampalataya sa Diyos, ginawa na niyang sinungaling ang Diyos sapagkat hindi niya sinampalatayanan ang patotoo na pinatotohanan na ng Diyos patungkol sa kaniyang Anak.
[11] At ito ang patotoo, na tayo ay binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.
[12] Siya na kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay. Siya na hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.
[13] Isinulat ko ang mga bagay na ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos upang inyong malaman na kayo ay mayroong buhay na walang hanggan at upang kayo ay sumampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
[14] At ito ang lakas ng loob na mayroon tayo sa harap niya, na kapag humiling tayo ng anumang bagay ayon sa kaniyang kalooban, dinirinig niya tayo.
[15] At kapag alam na natin na dinirinig niya tayo, anuman ang hilingin natin ay alam na natin na mayroon tayong katugunan sa mga kahilingan na hiniling na natin sa kaniya.
[16] Kapag makita ng sinuman ang kaniyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, siya ay hihiling at siya ay bibigyan ng Diyos ng buhay. Ito ay para sa kanila na nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay. Mayroong kasalanang ikamamatay, hindi ko sinasabing ipanalangin niya ito.
[17] Ang lahat ng kalikuan ay kasalanan at may kasalanang hindi ikamamatay.
[18] Alam natin na ang bawat ipinanganak mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan. Sa halip, siya na ipinanganak mula sa Diyos ay nag-iingat sa kaniyang sarili at hindi siya hinahawakan niyaong masama.
[19] Alam na natin na tayo ay mula sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nakahimlay sa kasamaan.
[20] Ngunit alam na natin na pumarito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin siya na totoo. Tayo ay nasa kaniya na totoo, sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang totoong Diyos at ang buhay na walang hanggan.
[21] Munting mga anak, lumayo kayo sa mga diyos-diyosan. Siya nawa.