Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip ay subukin ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang narito na sa sanlibutan.

[2] Sa pamamagitan nito ay nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos. Ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay pumarito na nagkatawang-tao ay nagmula sa Diyos.

[3] Ngunit ang bawat espiritu na hindi nagpapahayag na si Jesu-Cristo na pumarito ay nagkatawang-tao, ay hindi mula sa Diyos. At ito ang espiritu ng anticristo na narinig ninyong darating at ngayon ay narito na sa sanlibutan.

[4] Munting mga anak, kayo ay mula sa Diyos at sila ay napagtagumpayan na ninyo sapagkat higit siya na nasa inyo kaysa sa kaniya na nasa sanlibutan.

[5] Sila ay mula sa sanlibutan kaya sila ay nagsasalita mula sa sanlibutan at pinakikinggan sila ng sangkatauhan.

[6] Tayo ay mula sa Diyos. Siya na nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Siya na hindi mula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito ay nakikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.

[7] Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos at ang bawat isang umiibig ay ipinanganak na mula sa Diyos at nakakakilala sa Diyos.

[8] Siya na hindi umiibig ay hindi kilala ang Diyos sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.

[9] Sa pamamagitan nito ay nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya.

[10] Ito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at isinugo ang kaniyang Anak na maging kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan.

[11] Mga minamahal, kung sa ganitong paraan ay inibig tayo ng Diyos, dapat din tayong mag-ibigan sa isa't isa.

[12] Walang sinuman ang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kung tayo ay nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging-ganap sa atin.

[13] Sa pamamagitan nito, nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin, sapagkat ibinigay na niya sa atin ang kaniyang Espiritu.

[14] Aming nakita at aming pinatototohanan na isinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan.

[15] Ang sinumang magpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kaniya at siya ay sa Diyos.

[16] At alam na natin at sinampalatayanan na natin ang pag-ibig na tinataglay ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay sa kaniya.

[17] Sa pamamagitan nito ay nagiging ganap na sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng lakas ng loob sa araw ng kahatulan, sapagkat kung paano siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito.

[18] Ang takot ay wala sa pag-ibig. Ngunit ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot sapagkat ang takot ay nagtataglay ng kaparusahan. Subalit siya na natatakot ay hindi pa pinapaging ganap sa pag-ibig.

[19] Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin.

[20] Kapag sinabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” ngunit mamumuhi sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling sapagkat siya ay hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita. Paano niya nakakayanang ibigin ang Diyos na hindi niya nakita?

[21] At ito ang utos na tinanggap natin mula sa kaniya, siya na umiibig sa Diyos ay iibigin din niya ang kaniyang kapatid.

Ang Unang Sulat Ni Juan — Chapters