[1] Kaya nga, ako na bilanggo sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na lumakad kayong karapat-dapat sa pagkatawag na itinawag sa inyo
[2] na may buong kapakumbabaan at kaamuan na may pagtitiis. Magbatahan kayo sa isa't isa sa pag-ibig.
[3] Pagsikapan ninyong panatilihin ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.
[4] Mayroong isang katawan at isang Espiritu kung paanong tinawag din kayo sa isang pag-asa ng inyong pagkatawag,
[5] isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bawtismo,
[6] isang Diyos at Ama ng lahat na nakahihigit sa lahat at sumasa lahat at nasa inyong lahat.
[7] Ngunit ang bawat isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.
[8] Kaya nga, sinabi niya, “Nang umakyat siya sa itaas, kinuha niya mula sa pagkabihag ang mga bihag at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao.” Awi 68:18
[9] (Nang “siya ay umakyat,” ano ang kahulugan nito kundi siya rin ay bumaba sa ilalim na bahagi ng lupa?
[10] Siya na bumaba ay siya ring umakyat sa itaas ng lahat ng kalangitan upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay).
[11] Pinagkalooban niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga mangangaral ng ebanghelyo at ang ilan bilang mga pastor at mga guro,
[12] upang lubos na maihanda ang mga banal para sa gawaing paglilingkod para sa katitibay ng katawan ni Cristo,
[13] hanggang sa maabot nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya at ng kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa maging ganap patungo sa sukat ng antas ng paglago sa kapuspusan kay Cristo.
[14] Ito ay upang huwag na tayo maging mga bata na natatangay-tangay at nadadala-dala ng bawat hangin ng katuruan sa pandaraya ng mga tao at ng katusuhan patungo sa mapanlinlang na kaparaanan.
[15] Sa halip, sa pagsasabi ng katotohanan sa pag-ibig ay lalago tayo sa lahat ng mga bagay kay Cristo, na siya ang ulo.
[16] Sa kaniya ang buong katawan ay inihugpong at pinag-isa sa pamamagitan ng itinutustos ng bawat dugtong ayon sa sukat ng mabisang paggawa ng bawat bahagi. Ito ang gumagawa sa paglago ng katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pag-ibig.
[17] Kaya sinasabi ko nga ito at pinatotohanan sa Panginoon na huwag na huwag na kayong lumakad katulad ng ibang mga Gentil na lumalakad sa kanilang pag-iisip na walang kabuluhan.
[18] Sapagkat ang kanilang pang-unawa ay nadidimlan, mga napahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kawalan ng kaalaman, dahil sa katigasan ng kanilang puso,
[19] dahil sa kawalan ng kanilang pakiramdam, ay isinuko nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan patungo sa paggawa ng lahat ng karumihan na may kasakiman.
[20] Ngunit hindi sa ganoong paraan kayo natuto patungkol kay Cristo.
[21] Kung totoong nakinig kayo sa kaniya at naturuan sa kaniya ayon sa katotohanan na na kay Jesus,
[22] hubarin ninyo ang dating pamumuhay ayon sa lumang pagkatao na nasisira ayon sa mapandayang pagnanasa,
[23] sa halip ay magpanibago kayo sa espiritu ng inyong kaisipan
[24] at isuot ninyo ang bagong pagkatao, na ayon sa Diyos ay nilikha sa katuwiran at totoong kabanalan.
[25] Dahil dito, sa paghubad ninyo ng kasinungalingan, “magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa kaniyang kapwa” Zak 8:16 sapagkat tayo ay bahagi ng bawat isa.
[26] “Magalit kayo at huwag kayong magkasala.” Awi 4:4 Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw sa inyong poot,
[27] ni huwag ninyong bigyan ng puwang ang diyablo.
[28] Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, sa halip, siya ay magpagal sa paggawa ng mabuti na ginagamit ang kaniyang mga kamay upang siya ay makapamahagi sa mga nangangailangan.
[29] Huwag ninyong pabayaang mamutawi sa bibig ninyo ang anumang walang kabuluhang salita, sa halip ay yaong mabuti na kagamit-gamit sa ikatitibay upang ito ay makapagbigay biyaya sa nakikinig.
[30] At huwag ninyong pighatiin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya ay natatakan kayo para sa araw ng katubusan.
[31] Alisin ninyo ang lahat ng sama ng loob, labis na galit, poot, sigawan, panlalait at lahat ng uri ng kasamaan.
[32] Subalit maging mabait kayo sa isa't isa, mahabagin, nagpapatawaran sa isa't isa, kung paanong kayo ay pinatawad ng Diyos kay Cristo.