Skip to content
Opens in a new window

[1] Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyo na mga Gentil,

[2] kung tunay ninyong narinig na ibinigay sa akin ang pangangasiwa sa biyaya ng Diyos para sa inyo,

[3] na sa pamamagitan ng pahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga (kagaya ng isinulat ko sa inyo noon sa kaunting salita,

[4] at sa pamamagitan ng inyong pagbasa nito, mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni Cristo),

[5] na sa ibang kapanahunan ay hindi ipinaalam sa mga anak ng tao katulad ng pagpahayag nito ngayon sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu.

[6] Ito ay upang ang mga Gentil ay maging kasamang tagapagmana, kaisang katawan at kasamang kabahagi ng kaniyang pangako kay Cristo sa pamamagitan ng ebanghelyo.

[7] Dahil dito, ako ay ginawang tagapaglingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa mabisang paggawa ng kaniyang kapangyarihan.

[8] Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinagkalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo,

[9] at upang ipakita sa lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga na sa simula pa ng panahon ay nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

[10] At sa gayon ay maipaalam sa mga pamunuan at mga kapamahalaan na nasa kalangitan ang malawak na karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng iglesiya,

[11] ayon sa walang hanggang layunin na kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

[12] Sa kaniya, tayo ay mayroong lakas ng loob at paglapit na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.

[13] Kaya nga, ihinihiling ko sa inyo na huwag kayong manghina sa mga paghihirap ko para sa inyo, na siya ninyong kaluwalhatian.

[14] Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

[15] Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa,

[16] upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay mabigyan niya kayo ng kapangyarihan na mapalakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu,

[17] upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, at upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig

[18] ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo.

[19] At sa gayon ay maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na nangingibabaw sa kaalaman, at upang mapuspos kayo ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

[20] Subalit sa kaniya na kayang gawin nang lubhang sagana kaysa sa lahat ng ating mga hinihiling o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

[21] sa kaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng mga saling lahi magpakailan pa man. Siya nawa.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Efeso — Chapters