Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga minamahal, ito na ang ikalawang sulat na aking isinusulat sa inyo, na sa dalawang ito ay ginigising ko ang inyong malinis na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo,

[2] upang mapaalalahanan kayo ng mga salitang unang ipinahayag sa pamamagitan ng mga banal na propeta at ng utos namin na mga apostol ng Panginoon at Tagapagligtas.

[3] Dapat alamin muna ninyo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na lumalakad ayon sa sarili nilang masasamang pagnanasa

[4] at kanilang sasabihin, “Nasaan ang katuparan ng pangako ng kaniyang pagdating? Sapagkat mula nang natulog ang ating mga ninuno, ang lahat ay nananatiling gayon mula sa simula ng paglalalang.”

[5] Sapagkat ito ang ninanais nilang kalimutan, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay naroon na noon pa ang kalangitan at ang lupa ay binuo na mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig,

[6] na sa pamamagitan din nito, ang sanlibutan nang panahong iyon na ginunaw sa pamamagitan ng tubig ay nawasak.

[7] Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita, ang kasalukuyang kalangitan at lupa ay inilaan na sa apoy at iniingatan para sa araw ng paghuhukom at kapahamakan ng mga taong hindi makadiyos.

[8] Subalit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw.

[9] Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kaniyang pangako katulad ng pagpapabaya na iniisip ng iba, sa halip ay mahaba ang kaniyang pagtitiyaga sa atin at hindi niya ninanais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magkaroon ng pagkakataon upang magsisi.

[10] Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating katulad ng magnanakaw sa gabi kung saan ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong at ang mga sangkap na bumubuo nito ay magugunaw sa pamamagitan ng napakatinding init at ang lupa at ang mga gawa na naroroon ay matutupok.

[11] Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay magugunaw, anong uri ng mga pagkatao ang nararapat mapasainyo sa banal na pamumuhay at sa pagiging makadiyos,

[12] na naghihintay at nananabik sa pagdating ng araw ng Diyos na sa pamamagitan nito, ang kalangitan ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy at ang mga sangkap na bumubuo nito ay matutunaw sa pamamagitan ng napakatinding init?

[13] Gayunpaman, ayon sa pangako ng Diyos ay naghihintay tayo ng bagong langit at bagong lupa kung saan nananahan ang katuwiran.

[14] Dahil dito mga minamahal, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyo na kayo ay matagpuan sa kaniya na walang dungis at walang kapintasan sa kapayapaan,

[15] at ibilang ninyo na ang pagtitiyaga ng ating Panginoon ay kaligtasan, kung paano namang sumulat sa inyo ang ating minamahal na kapatid na si Pablo ayon sa karunungang ipinagkaloob sa kaniya

[16] at kung paanong sa lahat ng kaniyang mga sulat ay sinabi niya sa kanila ang patungkol sa mga bagay na ito, na ang ilan sa mga ito na mahirap unawain ay binigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at ng mga hindi matatag, katulad din ng kanilang ginawa sa ibang Kasulatan patungo sa sarili nilang kapahamakan.

[17] Kaya kayo, mga minamahal, dahil nalalaman ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo na baka kayo ay mailigaw sa kamalian ng masasama at kayo ay mahulog mula sa inyong katatagan.

[18] Sa halip, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Siya nawa!

Ang Ikalawang Sulat Ni Pedro — Chapters