[1] Mga kapatid, kayo mismo ang nakaalam ng pagpasok namin sa inyo, na ito ay hindi naging walang kabuluhan.
[2] Subalit kahit kami ay unang nahirapan at inalipusta sa Filipos katulad ng inyong nalalaman, sa pamamagitan ng aming Diyos ay malakas ang loob namin upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo na may matinding pakikipagbaka
[3] sapagkat ang aming pagsamo sa inyo ay hindi mula sa kamalian, ni mula sa karumihan, ni sa pamamagitan ng pandaraya.
[4] Subalit kung paanong kami ay naging katanggap-tanggap sa Diyos upang ipagkatiwala sa amin ang ebanghelyo, kami ay nagsasalita sa gayong paraan na hindi nagbibigay-lugod sa mga tao kundi sa Diyos na siyang sumusuri ng ating mga puso.
[5] Sapagkat kailanman ay hindi kami gumamit ng pakunwaring papuring salita katulad ng alam ninyo, ni sa pamamagitan ng pagpapakunwari dahil sa kasakiman, ang Diyos ang saksi.
[6] Hindi rin kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, kahit na kami ay maaaring maging pabigat sa inyo bilang mga apostol ni Cristo.
[7] Ngunit kami ay naging mahinahon sa inyong kalagitnaan katulad ng pag-aalaga ng ina sa kaniyang mga anak.
[8] Sa ganitong pananabik sa inyo, kami ay nalulugod na ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos, kundi kahit ang aming sariling buhay sapagkat kayo ay napamahal na sa amin,
[9] dahil inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapagod, sapagkat kahit sa aming paggawa sa araw at gabi ay aming ipinapahayag ang ebanghelyo ng Diyos sa inyo upang hindi kami maging pabigat sa sinuman sa inyo.
[10] Kayo at ang Diyos ang mga saksi kung paano kami namuhay na may kabanalan at may katuwiran at walang kapintasan sa kanila na mga sumasampalataya
[11] kagaya ng inyong nalaman kung paano namin pinapalakas ang inyong loob at inaaliw kayo at nagpapatotoo sa bawat isa sa inyo, katulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak,
[12] upang kayo ay mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.
[13] Dahil dito, kami rin ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo ang salita ng Diyos na inyong narinig mula sa amin, ito ay hindi ninyo tinanggap na salita ng mga tao kundi bilang totoong salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na mga sumasampalataya
[14] sapagkat kayo, mga kapatid, ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos na nasa Judea na na kay Cristo Jesus, dahil kayo rin ay naghirap ng gayon ding mga bagay sa pamamagitan ng inyong sariling kababayan kung paano rin sila naghirap sa pamamagitan ng mga Judio.
[15] Sila rin ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa kanilang sariling mga propeta, at nagpalayas sa amin at hindi nagbibigay-lugod sa Diyos, at kalaban ng lahat ng mga tao
[16] at nagbabawal sa amin na magsalita sa mga Gentil upang sila ay maligtas, nang sa gayon ay palaging mapuno ang kanilang mga kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila hanggang sa wakas.
[17] Ngunit kami, mga kapatid, na nawalay sa sandaling panahon mula sa inyong harapan, ngunit hindi sa puso, ay lalong higit na nagsikap upang kayo ay makita nang mukhaan na may masidhing paghahangad.
[18] Kung kaya kami, kahit ako na si Pablo, ay minsan at muling nagnais na pumunta sa inyo, ngunit kami ay hinadlangan ni Satanas
[19] sapagkat sino ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? At hindi nga ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa kaniyang pagbabalik?
[20] Dahil kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.