Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo, sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo, sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

[2] Kami ay palaging nagpapasalamat sa Diyos patungkol sa inyong lahat sa pagbanggit namin sa inyo sa aming mga panalangin,

[3] walang patid naming inaalala ang inyong gawa ng pananampalataya sa harapan ng ating Diyos at Ama, at ang inyong pagpapagal sa pag-ibig at ang inyong pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

[4] Mga minamahal na kapatid, alam namin ang pagkahirang ng Diyos sa inyo

[5] sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa pamamagitan ng salita lamang kundi sa kapangyarihan din at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan kung paano ninyo nalaman ang uri ng aming pagkatao sa kalagitnaan ninyo para sa inyong kapakanan.

[6] At kayo ay naging tagatulad namin at ng Panginoon nang tinanggap ninyo ang salita na may matinding paghihirap at may kagalakan ng Banal na Espiritu.

[7] Kung kaya kayo ay naging huwaran sa lahat niyaong mga sumasampalataya sa Macedonia at sa Acaya

[8] sapagkat dahil sa inyo ay umalingawngaw ang salita ng Panginoon hindi lamang sa Macedonia at sa Acaya, ngunit kahit sa lahat ng dako ay lumaganap ang inyong pananampalataya sa Diyos, kung kaya hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman

[9] dahil sila na ang nagpapahayag patungkol sa amin kung ano ang paraan ng aming pagpasok sa inyo, at kung paano kayo bumaling patungo sa Diyos mula sa mga diyos-diyosan upang maglingkod sa buhay at totoong Diyos

[10] at upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na dumarating.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Tesalonica — Chapters