Skip to content
Opens in a new window

[1] Iyong alalahanin, Oh Panginoon, kung anong dumating sa amin: iyong masdan, at tingnan ang aming pagkadusta.

[2] Ang aming mana ay napasa mga taga ibang lupa, ang aming mga bahay ay sa mga taga ibang bayan.

[3] Kami ay mga ulila at walang ama; ang aming mga ina ay parang mga bao.

[4] Aming ininom ang aming tubig sa halaga ng salapi; ang aming kahoy ay ipinagbibili sa amin.

[5] Ang mga manghahabol sa amin ay nangasa aming mga leeg: kami ay mga pagod, at walang kapahingahan.

[6] Kami ay nakipagkamay sa mga taga Egipto, at sa mga taga Asiria, upang mangabusog ng tinapay.

[7] Ang aming mga magulang ay nagkasala at wala na; At aming pinasan ang kanilang mga kasamaan.

[8] Mga alipin ay nangagpupuno sa amin: walang magligtas sa amin sa kanilang kamay.

[9] Aming tinatamo ang aming tinapay sa pamamagitan ng kapahamakan ng aming buhay, dahil sa tabak sa ilang.

[10] Ang aming balat ay maitim na parang hurno, dahil sa maningas na init ng kagutom.

[11] Kanilang dinahas ang mga babae, sa Sion, ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.

[12] Ang mga prinsipe ay nangabibitin ng kanilang kamay: ang mga mukha ng mga matanda ay hindi iginagalang.

[13] Ang mga binata ay nangagpapasan ng gilingan, at ang mga bata ay nangadudulas sa lilim ng kahoy.

[14] Ang mga matanda ay wala na sa pintuang-bayan. Ang mga binata'y wala na sa kanilang mga tugtugin.

[15] Ang kagalakan ng aming puso ay naglikat; ang aming sayaw ay napalitan ng tangisan.

[16] Ang putong ay nahulog mula sa aming ulo: sa aba namin! sapagka't kami ay nangagkasala.

[17] Dahil dito ang aming puso ay nanglulupaypay; dahil sa mga bagay na ito ay nagdidilim ang aming mga mata;

[18] Dahil sa bundok ng Sion na nasira; nilalakaran ng mga zora.

[19] Ikaw, Oh Panginoon, nananatili magpakailan man: ang iyong luklukan ay sa sali't saling lahi.

[20] Bakit mo kami nililimot magpakailan man, at pinababayaan mo kaming totoong malaon?

[21] Manumbalik ka sa amin, Oh Panginoon, at kami ay manunumbalik: baguhin mo ang aming mga araw na gaya nang una.

[22] Nguni't itinakuwil mo kaming lubos, ikaw ay totoong napoot sa amin.

Mga Panaghoy — Chapters