Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 3:53

[1] Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito.

[2] Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon.

[3] Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit.

[4] Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.

[5] Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.

[6] Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya.

[7] Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”

[8] At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

[9] Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya.

[10] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”

[11] Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari.

[12] Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal.

[13] At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.”

[14] Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.”

[15] Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio.

[16] Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus.

[17] Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan.

[18] Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa.

[19] Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

[20] Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Mateo — Chapters