[1] Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon!
[2] Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito.
[3] Kaya't mag-ingat kayo! “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo.
[4] Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
[5] Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!”
[6] Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”
[7] “Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain?
[8] Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’
[9] Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito?
[10] Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
[11] Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea.
[12] Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan
[13] at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”
[14] Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis.
[15] Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.
[16] Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
[17] “Hindi ba't sampu ang pinagaling?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam?
[18] Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?”
[19] Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
[20] Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos,
[21] at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
[22] At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.
[23] May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.
[24] Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan.
[25] Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito.
[26] Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe.
[27] Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat.
[28] Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay.
[29] Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat.
[30] Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
[31] “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa.
[32] Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.
[33] Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.
[34] Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
[35] May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
[36] [May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”
[37] “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”