Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 4:13

[1] Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba.

[2] Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.

[3] Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin.

[4] Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon.

[5] Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan.

[6] Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao.

[7] Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao,

[8] ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay.

[9] Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos.

[10] Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid.

[11] Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat.

[12] Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

[13] Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan.

[14] Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan.

[15] Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo.

[16] Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.

[17] Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.

[18] Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.

Santiago — Chapters