[1] Mula sa Matandang pinuno ng iglesya— Para kay Gayo na lubos kong minamahal.
[2] Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal.
[3] Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito.
[4] Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.
[5] Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala.
[6] May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos,
[7] sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos.
[8] Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan.
[9] Sumulat ako sa iglesya subalit hindi kami kinilala ni Diotrefes; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno.
[10] Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating at hinahadlangan pa niya at pinapalayas sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon.
[11] Minamahal, huwag mong tularan ang masama. Sa halip, tularan mo ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos.
[12] Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan din ang patotoo ng katotohanan tungkol sa kanya. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin.
[13] Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng panulat at tinta.
[14] Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon.
[15] Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Isa-isa mong batiin ang lahat ng ating mga kaibigan diyan.